Showing posts with label alaala ng kahapon. Show all posts
Showing posts with label alaala ng kahapon. Show all posts

Wednesday, February 2, 2011

Alaala ng Kahapon -part 4 (Katapusan)

Sa pag- akyat ng bus habang patuloy itong umaandar ng mabagal, dinig ko ang litanya ng kunduktor na walang tigil na sinisigaw ang destinasyon ng bus.

At kasabay ng mabagal na pag-usad ng bus... magpapatuloy ang pang-apat at maaring huling parte ng kwentong ito...


     
***

Paulit-ulit ang kwento, pabalik-balik lang, masasayang alaala, mga kwentong magbibigay ngiti sa yong mga labi at mga alaalang maiisip mong... sayang... kung sana maibabalik ko lang ang panahon...


Napaka-sarap balik-balikan ang mga alaala ng high school life...

Mga kwentong buong-buo mong mababalikan, dere-deretso, parang telenovela with no commercial break.

***


Para sakin madali lang naman ikwento ang mga pangyayari sa nakaraan, ang mahirap ang balik-balikan ang mga ito sa utak mo, dahil sa pag-balik mo sa kwento ng nakaraan... kasabay ng pagbalik ng masasayang alaala ay ang pagbulagang muli sayo ng mga kwentong pilit mo nang kinalilimutan, ngunit hindi mo matatakasan.

Bakit ko nga ba ibinabahagi sayo ang aking nakaraan?... siguro may tanong akong gustong masagot... o dahil... gusto ko lang... nasa'yo naman kung gusto mo pang malaman... gusto ko lang ipakilala ang aking sarili... nasa'yo na kung tatanggapin mo... paalala lang, hindi lahat ng mababasa at nabasa mo ay totoo... hindi lahat ng kwento ay tunay na nangyari... ikaw na ang bahalang humusga at umunawa... at bago ko pa makalimutan... maraming maraming salamat...


***

Bitbit ang lahat ng natutunan sa mababang paaralan (kung meron man), Susuungin ko ang buhay sa mataas na paaralan.

High School (para sakin), ang pinakamasayang yugto ng pag-aaral, academically at physically.  Sa panahong ito ko naranasan ang pagiging tao,  may utak... may puso... may body parts...

Dito ko nakilala si ano..., at si ano... muling nakita si ano...

Masaya ang kwentong ito, pero lubhang nakakalito.

***

Ayoko ng 'spotlight', ayoko ng pinag-uusapan, hindi ko gustong tinatawag na matalino (wala namang nagtangka!), pero mas ayoko tawaging 'bobo'.  Nag-aaral ako kapag gusto ko lang... obligado tuwing exam!  Hindi rin ako friendly, pero hindi naman ako palaaway... kaya ang ending iba-iba ang 'closed friend' ko sa bawat level... Sila yung mga taong tinanggap ako bilang 'ako', deadma sa magulong takbo ng utak ko.  Piniling magpaka-abnormal para sa isang autistic na tulad ko.

Sa mataas na paaralang ito ko muling nakita ang anghel na dumedma sa beauty ko nung elementarya ( si Crush).  Wala namang nabago... crush ko sya, pero deadma ako sa kanya...  tuloy ang buhay... hindi naman ako mamamatay kung hindi nya ko ngingitian di ba?... hmmmp

Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sayong may hell sa ibabaw ng simbahan?

Maniwala ka!... hell... as in H, E, L, L...

Iyan ang room namin nung  first year high school ,  agawan sa electric fan, papasok ka ng bagong ligo at uuwi ka din ng bagong ligo!.... sa PAWIS!!!... sobrang init!,  pero sa kabila ng mainit naming sitwasyon, ang seksyon namin ang itinuring na 'overall champion' sa palarong basketball... taob lahat ng level!.. sanay na kasing pagpawisan ang mga klasmeyt ko!

Tatlo ang room sa ibabaw ng simbahan, una... ang tinatawag naming heaven ... malamig dito dahil may malalaking bintana (pero ayon sa isang bubwit... marami daw higad dito!),  ikalawa.. ang purgatoryo... hindi na masyado malamig dito, pero hindi rin naman mainit, ikatlo ang sa amin ang hell ... sa araw-araw na may pasok, dumadaan kami sa heaven, lumalagpas sa purgatoryo at nananatili sa hell... tsk tsk... hindi magandang pangitain di ba?

Dahil nasa catholic school, required sa amin ang umatend ng recollection, 'attendance is a must' ika nga. 

First year... freshman... first time...

Isang buong araw ng pagninilay-nilay, nang pagkilala sa sarili at sa dakilang lumikha.  Isa ito sa araw na gumuho sa isang sagot ko sa tanong na... " ano ang gusto mo paglaki mo?"...

"Pari po"

Bawal nga yata magsinungaling ang pari... hindi man lang bumusina... bigla na lang hinagisan ng bomba ang simbahan ko... wala pang sampung segundo... abo na ang pangarap ko!  Hindi daw ako pwede magpari dahil " babae daw ako!"... (whaaa... descrimination yan father!!!)

Sa puntong iyon ng  buhay ko, hindi lang pangarap ko ang nagiba, pati paniniwala ko na-uga.  Pakiramdam ko kasi, pinaasa n'ya lang ako ,  tapos iniwan ako sa ere .   Sa isang banda, hindi naman n'ya kasalanan kung hindi ako marunong magtanong di ba???
Kung nuon ko pa isinigaw na pangarap ko magpari,  siguro nuon pa ko binato ng sagot na "hindi pwede",  edi sana... hindi na ko umasa... hindi na ko nabigo.

Ok fine, no no no sa pagpapari.  Ito kasi yung isa sa mga bagay na right there and then kailangan tanggapin mo.  May mga pangarap na kapag pinagsumikapan mo... pwedeng makuha mo, pero hindi ito isa sa mga yun. Ito yung tipong kailangan mo mag move-on sa ayaw at sa gusto mo period!

Sumilay ang bagong umaga... patuloy ang buhay... balik sa mainit na paaralan.

Freshman din ako nagsimulang magkainteres sa pagbabasa ng libro (non-academics?... ano ka hilo?!),  paano naman kasi, isa pala ang librarian sa pipirma sa clearance ko bago magbakasyon, at requirement para sa pag-eenroll bilang sophomore.  Hindi ako mahilig pumunta sa library ( bawal kasi maingay dun!). 

Tatlong linggo bago ang bakasyon, isang initiation rite ang pinagdaanan ko.  Sampung pirma... oo sampung pirma ng librarian sa library card ang kailangan ko, para mapirmahan ang clearance ko. 
Tatlong linggo... at sa mga oras na yun... hindi ko pa alam ang itsura ng library card! ( anak ng bookworm!!!)

Ang buong akala ko wala masyadong tao sa library, pero nung mga oras na yun... fiesta ang library sa dami ng estudyane.  Pasok sa loob... iginala ang mga mata... alin... alin... alin ang kukunin kong libro?... Encyclopedia?... 'wag na uy mabigat!... sige hanap...hanap at hanap... yung manipis, kasya sa bag at higit sa lahat... magaan!.  Napadpad ako sa shelves na may nakasulat na novels... nakita si Nancy Drew, kumakaway at nagsasabing " ako na, ako na, ako na ang piiliin mo"... at yun na... si nancy drew ang bitbit ko pauwi sa bahay.

Pag dating sa bahay... sinubukang buksan ang libro, sinubukang basahin ang mga unang salita, ang unang pahina, ikalawa... ikatlo... at hindi ko namalayan... tapos ko na. 

Kinabukasan, pagpasok sa paaralan, ibinalik ko ang unang librong nabasa ko, kinuha ang pangalawa libro para sa pangalawang pirma sa library card, at bago matapos ang tatlong linggo may labindalawang pirma na ang library card ko... oo ... labindalawa!... sinobrahan ko talaga para hindi halata. :)

Totoo ngang may mga bagay na hindi mo maiisip na magugustuhan mo hanggang isang araw...  may isang babatok sayo, at pipilitin kang simulan!

***

Second year... Sophomore...

Wala na ang kamandag ng anghel na dumedma sakin.  Kung sa unang pagkakataon sablay pumana si kupido, ngayon... duling ata!

Hindi ko alam... marami namang pwedeng tamaan... bakit ako pa???!

Isang hapon, paglabas ko ng paaralan, isang announcement ang nakasulat sa isang board na nakabalandra sa court sa labas ng eskwelahan... "Congratulation.... ... ...for... ... ...",  hindi ko alam kung sa pangalan o kung sa pagkakasulat ng pangalan  ako nabighani... "oo,  pangalan lang!"... walang picture, walang ibang detalye... walang kahit ano, at ang mas malupet...

pangalan ng babae yun!...

Ibang klase talaga!... adik yata si kupido, tumira ng katol at ako ... ako... ako ang pinagtripan!!!.  At iyon na ang simula ng paghahanap ko sa nagmamay-ari ng mestiryosang pangalan.  Dumating pa nga sa puntong nilalapitan ko yung board at kinakausap  "kailan kaya kita makikilala?"...

adik! .. adik! ... adik talaga!

Hindi naman ganun kaseryoso yun... (promise!).  Dahil sa kabila ng pagkahumaling sa misteryosang pangalan, isa pang pana ni kupido ang sumagi sa puso ko ng wala manlang paalam... ito ay laan para sa isang transfer student... lalake (daw)... matalino... mabait... at syempre... hmmm... basta matalino.

Magkatabi ang silyang inuupuan namin, sya ang nasa kaliwa ko at pader naman ang nasa kanan ko.  Habang abala s'yang nakikinig at nakatitig sa titser, ako nama'y abala ding nakatitig... sa KANYA! at hindi makapag konsentreyt sa sinasabi ng titser!. 

Sa loob ng isang taong magkatabi kami, bihira kaming magkwentuhan.  Hindi ko alam kung bakit, pero sobrang lakas ng kaba ko kapag kinakausap n'ya ko, na rarattle at nabubulol sa pagsagot sa simpleng tanong n'ya, nakukuryente sa tuwing magdidikit ang balat namin.   

Minsan nga... break time... palabas s'ya ng room at papasok ako,  tinanong n'ya ko... "kumain ka na?"... simple lang naman sana ang sagot (hindi pa, sabay na tayo?), pero dahil isang dangkal at kalahati lang ang pagitan namin at dibdib nya ang nasa harap ng mukha ko, tango lang ang naisagot ko, sabay hakbang pakanan, deretso sa upuan ko... sa loob 'yun ng limang segundo... hayyy... kung tatagal pa kasi ako sa harap n'ya ng dalawang segundo... bibigay na ang tuhod ko!  

Minsan pa nga sinubukan kong tumingin sa mata n'ya habang kinakausap ako... juice ko pong pineapple!!! sa sobrang lakas ng kalabog ng puso ko, akala ko, iiwan na ko nito... at tatalon papunta sa kanya!.

Kaya, kesa naman mas lalo akong mag mukhang tanga sa paningin n'ya,  nakuntento na lang ako na titigan sya, habang abala s'yang nakatitig... sa iba.

Academically... hindi pa rin naman ako nag excel (malabo pa yun sa mata mo!),  pero in fairness, doble effort ako sa pag-aaral, kasi naman di ba... mukha na nga akong tanga sa harap n'ya, syempre hindi ko na hahayaang maging 'bobo' sa paningin n'ya.  Isa pa ,bukod sa kanya pader ang katabi ko,  wala akong pwedeng kopyahan kundi ang kodigo sa utak ko...

Hindi ko maintindihan, pero para s'yang 'yelo'... malamig at nakakapanginig!!!

Siyangapala, bago ko makalimutan... sa part 1, nasabi kong isang bata ang sana'y nagpahaba ng kwento ng pagiging kinder ko... "oo".. wala ng iba, si ICE (yelo... you know?) ang lalaking iyon.   Isang hapon kasi. habang pinipigil ang kaba sa dibdib, habang nakikipag-usap sa kanya, sinabi n'yang magkaklase kami nung kinder,  syempre hindi ko na yun matandaan,  kaya bilang pruweba ipinakita n'ya sakin ang classpicture namin nung kinder... ang best part... magkatabi kami... =) (yahung yahoooo!!!)


***

Third year... Junior... ang masayang parte ng pagiging high school... bukod kasi sa kabisado mo na ang pasikot-sikot ng eskwelahan, pati ugali ng mga guro, guard, janitor at pati mga tauhan sa canteen... ay kilala ka din nila!  Mas malaya ka nang makaikot sa buong campus.
Hindi mo kailangan maging sikat para  kilalanin kang Junior, base lang sa kulay ng ID mo, kahit ikaw pa ang pinaka raw four o pinaka mahiyain sa eskwelahan, siguradong mararamdaman mo ang paggalang ng mga lower level... 

Hindi ko na kaklase si Ice, kaya mas malaya na kong pagmasdan s'ya ng malayo sa kanyang malamig na presensya...  kasabay n'yan ang mas malaya kong paghahanap sa babaeng nagmamay-ari ng misteryosang pangalan na itatago natin sa pangalang 'Mysterya'.

Eleksyon para sa SC(Student Council) nang muli kong mabasa ang pangalan ni Mysterya, tumatakbo s'ya bilang Presidente ng SC (magkapartido sila ni Ice)... 

Hindi na mahirap para sa'kin na makita s'ya dahil kusa n'yang ipinakilala ang sarili n'ya ng minsang mangampanya sila sa loob ng klasrum namin.  

Sa kabutihang palad... nanalo naman sila... 

Halos araw-araw nagpapadala ako ng sulat, tula o simpleng note, sa SCO ( Student Council Office), para kay Mysterya.  Hindi ko alam kung binasa n'ya ang mga yun, pero umasa akong sana... sana lang... kung sakaling nabasa n'ya... ay napangiti ko s'ya...

Nagtago ako sa kodang "AKO".  Hanggang ngayon hindi n'ya alam na ako si 'Ako', at kung sakaling mabasa n'ya ang akdang ito... sana... sana lang ulit... ay hindi s'ya magalit. 

Hindi ako sigurado sa kung anong magiging reaksyon ni Mysterya kapag nabasa n'ya ang kwentong ito,  anu't ano man, sa wakas masasagot na rin ang tanong n'ya kung paanong ang isang Junior ay nagpumilit makipagkilala at makipagkaibigan sa isang Senior na tulad n'ya...

Hindi ako mahilig sumama sa mga camping ( wala na kasi ang ROTC nung panahon namin at Girl  Scout at Boy Scout ang ipinalit, at bahagi ng pagiging GS/BS ang pag-attend sa camping pero hindi naman compulsary).  Nang malaman ko na isa si Mysterya sa magiging bantay sa mga sasama,  kinumbinsi ko ang dalawa kong kaibigan ( ang dalawang taong tumanggap sa pagkatao ko ng buong-buo, no if, no buts, pero with reservation...) na sumama sa camping.  Nagpakumbinsi naman sila at kinunsinti ang out of this world nilang friendship.  

Sa unang gabi ng camping,  habang ang lahat ay naghahanda na para sa pagtulog, abala ako sa paghahanap sa gate na babantayan ni Mysterya... hindi naman ako nahirapan... hila-hila ang dalawang kunsintidor, tinungo namin si Mysterya... nagsimula sa "Hi, di ba ikaw yung presidente ng Student Council?" (as if naman hindi ko pa alam di ba?!!! para-paraan!), magalang naman s'yang sumagot ng "oo, balik na kayo sa kwarto n'yo, bawal na kayo dito sa labas..." (hindi naman n'ya kami tinataboy di ba?)... deadma ako at ipinagpilitan kong ipinakilala ang sarili ko, kunwari wala akong narinig...  Wala na s'yang nagawa kaya nakipagkwentuhan na rin s'ya sa amin... at nang mabusog na ang puso ko sa mga ngiti at boses n'ya... nagpaalam na rin kami at bumalik sa aming lungga...

Sana... hindi nya isiping niloko ko s'ya... dahil sa bawat oras, panahon na nakasama at pinilit makasama s'ya, kahit papaano, naging totoo naman ako sa kanya... natakot lang naman akong sabihin sa kanya ang nararamdaman ko dahil baka iwasan n'ya ko...

At dahil sa takot na yun, kinailangan kong ipakilala sa kanya si Ice bilang 'ang lalaking tinitibok ng aking puso!'... hindi naman ako nagsinungaling di ba???

***
Foundation Day:

Kasali ako sa volleyball team ng section namin (promise! hindi nga lang halata).

Magsisimula na sana ang laro namin nang biglang mag-announce si Titser/DJ na itigil daw muna ang kahit anong ginagawa namin... syempre, dahil inakala naman naming importante ang sasabihin n'ya, sandali kaming tumigil at nakinig...

Gamit ang mikropono, hinanap n'ya si Ice, at sinabing makinig s'yang mabuti dahil para sa kanya ang mensaheng kanyang babasahin...nakasulat sa isang pirasong papel... nagsimulang basahin ni titser/DJ ang mensahe....

"Dear Ice, ... Mayro'n akong nais malaman...maaari bang magtanong?, alam mo bang matagal na kitang iniibig?, matagal na akong naghihintay... Ngunit mayron ka nang ibang minamahal kaya't ako'y di mo pinapansin.
Kung ako ay iyong iibigin, di kailangan ang mangamba pagkat ako ay para mong alipin, Sa'yo lang wala ng iba. Ngunit mayro'n ka ng ibang minamahal, kung kaya't ako'y di mo pinapansin, ngunit ganon pa man nais kong malaman mo ang puso kong ito'y para lang sa 'yo.... nagmamahal, sixteen"

Huli na nang malaman ni Titser/Dj na kanta pala ni Ogie Alcasid ang binasa n'ya... (sayang nag-effort pa naman s'ya ng bonggang-bongga!)


Kantyawan, hiyawan... at nasaan ako???... nasa gitna ng court... pinipilit ngumiti... naiihi...kinakabahan... at taimtim na nananalanging huwag ipagkanulo ng mga kaibigan... sa itsura kasi ni Ice, sa kabila ng ngiti sa kanyang labi, mukang ibabaon n'ya six feet under the ground ang kung sino mang lamang-lupa ang gumawa nun sa kanya!... Dininig naman ang aking dasal at walang sumigaw na ako ang salarin... hayyyy!!!


Natapos ang laro namin at natalo kami ( bad trip)... pero naging daan yun para yakapin ako ni Mysterya at sabihing "Ok lang yan, nice game"... (parang nanalo na rin ako!!!)


PROM... ang huling araw ng Foundation Day.


Ito ang una at huling JS Prom na pagsasaluhan namin ni Mysterya.  Kaya ang goal ko... maisayaw s'ya!


Naghihintay sa hindi dumarating na pagkakataon, nagrerehears sa mga linyang hindi ko alam kung paano ibabato...biglang nag-announce ang DJ na huling set na daw ng kanta ang patutugtugin nila...  Bitbit ang lahat ng lakas ng loob at kapal ng mukha, tinungo ko ang lugar na kinauupuan n'ya, sabay sabi ng "sayaw tayo...".


Hindi naman n'ya ko binigo, tinungo namin ang dance floor na apat na hakbang lang naman ang layo. Pero dahil huling set na ng kanta ang patutugtugin halos lahat ng estudyante nasa dance floor na ata... "sweet ang gusto kong tugtog Mr. DJ!!!"... deadma, disco ang nakasalang... matapos ang unang kanta, naalala ko hindi nga pala ako marunong sumayaw!, kaya nagpa-alam at nagpasalamat na ko sa kanya.


Nang matapos ang huling tugtog sa saliw ng bayang magiliw...este...lupang hinirang pala... hinanap ko si Mysterya para magpakuha sana ng litrato kasama s'ya.  Wala na yata s'ya, kaya ng mapansin kong nakakalat si Ice, s'ya na ang hinila ko... 1...2...3... smiiiillle... (in fairness nung madevelop naka-ngiti naman s'ya... pero... mukha akong bakla!!! whaaa...)


Fourth Year... Senior... 

Medyo malungkot na ang simula ng senior ko dahil wala na dun ang 'Mysterya' ng buhay ko.  Pana-panahon pa rin naman s'yang dumadalaw sa eskwelahan... hindi naman kami ang dinadalaw n'ya... kaya pana-panahon din kaming nagmemeryenda at kumakain ng 'snowball' (crushed ice na kulay pula at matamis) sa tindahang malapit sa bahay n'ya(Misterya)... para madalaw s'ya!!!

Maraming pangyayari ang naganap sa yugtong ito ng buhay ko, akala ko nga hindi na ako makakagraduate...

Sa kalagitnaan ng school year naisipang magpakasal ng adviser namin, kaya kinailangan n'yang magpalit ng apelido...(take two)... kinailangan n'yang iwan kami sa ere at mag-leave...

Isang galing sa ibang planeta ang pumalit sa kanya bilang adviser ng section namin at guro na rin sa Filipino.  Hindi ako sigurado kung mabait talaga s'ya o nagbabait-baitan lang dahil bago s'ya sa paaralang iyon. 

Pinili n'yang mapalapit sa'min sa maling paraan...

Isang makasaysayang hapon ang bumago sa takbo ng buhay ko bilang isang mag-aaral... kung dati rati bahay-eskwelahan(classroom/canteen) lang... naging, bahay-eskwelahan (classroom-canteen at PRINCIPALS OFFICE!!!)

Hindi lang isa o dalawang beses akong pinatawag sa Principals Office para paulit-ulit na pasagutin sa pare-parehas na tanong, para paulit-ulit na isalaysay ang pangyayaring gusto ng kalimutan ng utak ko!.....

     "Pauwi na po ako ng bahay nang tawagin nila ako para sagutan ang isang test paper na binigay ng bago naming adviser (tunay na test paper yun na lalabas sa exam namin bukas!) blah...blah ... blah".

Matapos naming sagutan ang test paper at makumbinsi ang sarili namin na tama na ang mga sagot... next level na... ang ipamahagi ang mga sagot sa aming mga kamag-aral...
Ang usapan sa section lang namin ipapakalat ang sagot at dapat kabisaduhin ang sagot para walang physical evidence!!!... Malupet na sana ang plano... kung lahat sumunod!... ang kaso (KASO TALAGA!!!)... nahuli ang kodigo sa ibang section!!!.

Self preservation... ika nga! kaya ikinanta ng nahulihan kung kanino n'ya nakuha ang kodigo hanggang makabuo na sila ng isang buong orkestra!

Self preservation... kaya nang ikanta kami ng mga sintunado... itinula ko ang aking nobela...

Pwede daw kaming ma-expell dahil sa ginawa namin... hindi ko pa masyado ramdam ang bigat ng nagawa namin, hanggang sa ipatawag ang aming mga magulang...

Tripleng kahihiyan ang nararamdaman ko habang kinakausap ng diciplinarian ang aking ina... kung pwede lang na lamunin na lang ako ng lupa at huwag ng iluwa!

Nagkaroon ng maraming hearing, pana-panahon sa gitna ng klase biglang may susulpot na mensahero at isa-isang ipapatawag kaming mga nasasakdal...

Nang matapos ang deliberasyon ng mga taga-hatol, ibinaba na ang kanilang desisyon... sa unang pagkakataon, ipinatawag kami ng sabay-sabay sa Principals Office...

Inihalintulad nila kami sa manok at ang adviser na nagbigay ng test paper ang palay... palay na daw ang lumapit sa manok kaya natural na tukain... in other words... ligtas na kami... mananatali kami sa paaralan... ngunit hindi ang palay... kinailangan n'yang lisanin ang eskwelahang hindi manlang ata n'ya nalibot...

Pinagbayaran din naman namin ang aming kasalanan sa pinakamaliit na paraan... itlog kami sa exam na yun!!!... Bawi na lang sa periodical exam...

In fairness... itim na tinta pa rin naman ang naisulat sa class record ko para sa grading period na yun!.. ngunit hindi nun matatabunan ang isang panget na karanasan...

Dahil sa pangyayaring iyon, isinilang ang bago at pangatlo naming adviser,  hindi na sya galing sa ibang eskwelahan, (natakot na yata si Madam Principal), matagal na rin s'yang nagtuturo sa sa paaralan na 'yon.  Sa kabutihang palad s'ya na rin ang naging huling adviser ng section namin.

Sa huling pagkakataon... naging klasmeyt ko ulit ang aking knight ang shining armor nung grade VI... deadma lang... hindi na s'ya ang bumubuo ng araw ko, pero pana-panahon pa rin naman n'ya kong napapangiti... lalo na kapag naaalala ko ang araw na iligtas n'ya ang isang bubwit sa isang mabagsik na leon.

Isang tao na lang ang nagpapakumpleto ng araw ko, si... Ice, ang dahilan kung bakit napipilit ko pa rin ang sarili ko na magpabalik-balik sa eskwelahan... s'ya ang nagpapakumpleto, pero hindi s'ya ang kabuan ng araw ko!..... Syempre ang mga kaibigan ko pa rin ang bumubuo ng araw ko.  Walang kwenta ang tuwa at kilig kung wala ang mga kaibigan kong walang sawang nakikinig sa paulit-ulit kong kwento.  Mga kaibigang nand'yan sa lungkot at ligaya... sa hirap at ginhawa!

***

Kung nung Freshman hanggang Junior, isang araw na recollection lang ang pinagdadaanan namin, sa Senior... tatlong araw na!, hindi na recollection... Retreat na!  mahahaba na daw kasi ang mga sungay namin at sumusulpot na pati buntot!

Ang seksyon namin ang pinaka-unang ipinadala sa retreat house, sa isang semenaryo sa kahabaan ng EDSA.  Kami yata kasi ang pinaka suwail na seksyon sa buong  senior level, kami lang kasi ang nagkaroon ng tatlong adviser, nagpatanggal na isang bagong saltang guro, mastermind sa usapin ng leackage, at may kaklaseng hindi na namin makakasabay sa pag-akyat ng entablado dahil sa usapin ng ipinagbabawal na gamot, hindi tulad namin na naihambing sa 'manok' kaya nabigyan ng ikalawang pagkakataon, expulsion ang iginawad sa katabi kong paslit. 

Sinubukan ng mga hindi organisadong mag-aaral na isalba sila, nagpakalat ng signature campaign, ilang buwan na lang kasi... graduation na!,  Ngunit hindi narinig ang boses ng mga kabataan, nanaig ang hustisyang alam at batas na sinusunod ng mga taong simbahan na nagpapatakbo ng paaralan.

(Balik tayo sa retreat house)...

Pagdating sa retreat house, sinalubong kami ng masasayang ngiti ng mga facilitator... tapos hinoldap kami!... ilabas daw namin ang lahat ng bagay na maaring makapagbigay ng oras... kinulekta ang mga relo, alarm clock at kung ano-ano pa, kung pwede lang nilang itago ang araw, siguro ginawa na nila... at dahil hindi pwedeng itago ang araw... kami ang ikinulong nila... walang outdoor activity kapag nakangiti ang haring araw!

Kakain kami sa oras na gusto nila kaming pakainin, ang matitirang pagkain ay ihahaing muli sa susunod na kainan sa anyo naman ng ibang putahe, pero halata pa rin!.  Marami daw kasing mga batang hindi kumakain... kaya naisip namin na para hindi kami hainan ng "recycle food" kailangang ubusin ang nakahain!!!... marami pa ring tira!!!

Puro sadista yata ang mga facilitator na  napunta sa amin, wala silang awa, wala silang ginawa kundi paiyakin kami, ang goal yata ng bawat speaker ay ubusin ang lahat ng tubig sa aming katawan!

Ngunit sa bawat pag-iyak, lumuluwag ang aming paghinga, ang bawat butil ng luha ay tila blade na humihiwa sa mga taling nakabalot sa aming isip, parang asido na tumutunaw sa galit sa aming puso... nagreresulta sa pagkakaroon ng mas malawak na pang-unawa, ng mas malayang puso na handang tumanggap at magpatawad, magmahal at umintindi.

Dumarating sa puntong parang wala ka ng mailuluha, ngunit ang bawat salita ay parang bombang pilit na tumatagos sa'yong puso, duon sasabog at dudurugin ang buo mong pagkatao na magreresulta sa pag-buo mo sa bagong 'ikaw'... mas malaya... mas may malinaw at bagong pag-asa... mas malakas para humarap sa bawat bukas at pagsubok, dahil alam mo ng hindi ka nag-iisa!

Matapos ang tatlong araw, nagbalik kami sa paaralan na tikom ang bibig sa kung ano mang naganap sa retreat house, bawal daw kasing malaman ng mga hindi pa nakakapunta.

Ilang araw matapos makarating at makabalik ang bawat seksyon sa retreat, dumalaw sa amin ang mga 'sadistang facilitator' (joke..joke..joke!)... masasayang kwentuhan na natuloy sa mas mahabang pagkikipagkaibigan... pangarap ko kasing magkaroon ng kuya, at dahil biologically speaking hindi na 'yon pwede , marahil 'sila' ang ibinigay ng maykapal... kapalit siguro ng gumuho kong pangarap nung freshman.

***

Sa retreat nasabi ni kuya Nazir ... "kapag nagmahal ka, dapat handa ka masaktan"... naisip ko ... sana, kapag wala kang karapatan, huwag mo na lang maramdaman!

Ganun ba talaga?, kapag minahal mo ang isang tao binibigyan mo na rin s'ya ng karapatan para saktan ka?!?

May girlfriend na daw si Ice...alam ko wala akong karapatan... pero... masakit kaya!!!... pakiramdam ko idiin ni kupido ang pana sa puso ko.  Pilit kong isinasaksak sa isip ko na wala akong karapatan, pero sa pagkakataong 'yun, hindi yata kinikilala ng utak ko ang patakaran sa pagkakaroon ng karapatan...  desidido s'yang iparamdam sa akin ang sakin sa tuwing makakasalubong ko silang magkahawak -kamay, sa tuwing makikitang masaya s'ya kasama ang babaeng pinili n'yang mahalin!

Huminto ba ang tibok ng puso ko???

Sana... sana huminto na lang... kaso hindi... patuloy pa rin itong tumitibok at nasasaktan.   Naisip ko, kung sinabi ko kaya sa kanya ang nararamdaman ko, ako kaya ang kasama n'ya? kamay ko kaya ang hawak-hawak n'ya?... paulit-ulit din ang sagot sa utak ko... "hindi siguro"... hindi nga yata n'ya alam na estudyante pa rin ako sa paaralang iyon...

***

Foundation Week... nanaman... wala ako masyado maalala... nagkulong lang yata ako sa loob ng room para hindi ko makita si Ice, o kaya nakakalat lang ako kung saan saan... sa lugar na hindi ako masyado masasaktan...

JS Prom... as usual... ang huling araw ng foundation week... kung hindi lang ako na-assign sa food committee (mukha daw kasi akong katulong) ng seksyon namin baka hindi na ako nagpunta... pero sa isang banda ayoko rin namang makinig na lang sa kwentuhan nila tungkol sa nangyari sa prom at pagsisihan ko sa huli!.  Malay ko... malay ko lang.. iabot sakin ng langit ang pagkakataong maisayaw s'ya... kaso hindi yata talaga inaabot lang iyon, ginagawan iyon ng sariling pagkakataon... muntikan na kong maglatag ng banig... kaya nang iannounce ng DJ na huling kanta na ang patutugtugin nila, pakiramdam ko singkwenta anyos na ko!

Dahil graduating na... mas maaga kami kumuha ng final exam, at ang mga sumunod at nalalabing araw namin sa paaralan ay ginugol para sa pagpapraktis ng martsa sa loob ng simbahan... "oo" sa loob ulit ng simbahan,( ito rin ang simbahang pinagdausan ng graduation ko nung kinder), gaganapin ang pinaka makasaysayang graduation sa buhay ko.

Habang pinabibilis ng mundo ang pag-ikot nito sa araw para sa itinakdang pagtatapos, pilit ko namang inaapakan ang preno ng buhay...  Ngunit sadyang 'di papipigil ang naghihintay na katapusan!

Dalawa ang naging validictorian sa batch namin, at sa totoong buhay,  masaya na silang nagsasama  bilang mag-asawa ngayon...


Ni-lipsing ko ang Alma Matter hym, dahil na rin sa boses ipis daw ako sabi ng  isang titser ko... hindi ako isa sa umiyak ng kantahin ang "Minsan" ng Eraserheads... lumilipad na ang utak ko ng banggitin ng Principal ang mga katagang "... I now declare you the graduates of..." nagliparan ang graduation cap kahit na pinagbawalan na kaming gawin iyon!, nagulat pa ko ng muntik ako tamaan ng graduation cap ng katabi ko, dun lang ulit nakabalik ang utak ko sa ulo ko, huli man daw at magaling... huli pa rin... inihagis ko din sa ere ang graduation cap ko... muntik ko pang hindi masalo!


Iyon ang huling araw na nakita ko si Ice, huling araw na nakita ko s'ya ng personal...


Personal kasi pana-panahon ko s'yang nikikita sa aking mga panaginip, bahagi ng mga gabing hindi ko iniisip na darating... Minsan naisip ko baka may malubha s'yang sakit o kaya baka... baka... baka kinuha na s'ya ni Lord (katok katok sa kahoy!!!)... Hindi naman pala... nito lang nakita ko na buhay na buhay naman s'ya , malakas at masaya (sa isang networking site)...  salamat naman... :)


***


At sa walang hanggang pagtatapos ay ang wala ding hanggang pagsisimula...


College...


Sa unang taon ko sa Unibersidad na aking pinasukan, maniniwala wala ka bang Deans Lister (DL) ako?! (...ako din hindi eh!),  sa  first sem ng kursong hindi ko naman talaga gustong kunin... late enrollee kasi ako at ang kursong iyon na lang ang bukas para sa mga nag-eenroll...


Sa una, natutuwa lang akong mabasa ang pangalan ko sa board ng DL, hindi naman kasi ako naniniwalang ako yun! Pero makalipas ang dalawang linggo ng second sem, napilit na rin ako ng mga kaibigan ko ng alamin na kung ako nga ba ang nagmamay-ari ng pangalang iyon...


Pagpasok namin sa bukas na opisina, isang maganda, maputi, hanggang baywang ang buhok na parang pinarebond pa, ang lumapit samin,  at nag tanong kung anong sadya namin duon... parang gusto ko nang umatras at tumakbo palabas ng pinto, ayoko mapahiya... bahala na... kahit kinakabahan, palabiro kong tinanong ang babae ng "miss, yun po bang mga pangalang nakapaskil sa labas, mga pumasok ba talaga yun sa DL?, o pangalan yun ng wanted dito sa  Unibersidad?"... ngumiti sya at lumitaw ang puti at pantay-pantay n'yang ngipin... may dimple din pala sya sa kaliwang pisngi, sabay tanong ng "bakit?"... lalo tuloy lumakas ang tibok ng puso ko!!!... sumagot naman ako ng "kapangalan ko yata kasi yung isa dun...:)"... madali naman n'yang na-pickup ang gusto kong sabihin... hiniram n'ya ang ID ko, dahan-dahan ko namang inabot yun sa malambot n'yang kamay... sandali lang daw at titignan n'ya... sa isip ko "kahit tagalan mo pa!"... ibinalik ng magandang babae ang ID ko kasama ng  isang long brown enveloped... syempre alam na!!!... wala na ngang iba... ako na nga!... nakahinga na ko ng maluwag... nagpasalamat na kami sa kanya at sa sobrang saya nakalimutan kong tinititigan ko nga pala sya... pag-labas ng office, dumiretso ako sa deans office at nagpa-upgrade ng kurso, tinanggap naman ng dean...


Tatlo kaming laging magkakasama sa kahit saan at kahit ano (Ako, si Edna at si Dina)... nagparegister kami sa iba't-ibang organisasyon na kahit yata minsan wala kaming dinaluhang pagpupulong.


Sa ikalawang taon sa Unibersidad, sumali kami sa isang organisanyong hindi ligal na kinikilala ng unibersidad, kaya illegal kaming nag-oorganisa ng mga estudyante, nakikipaglaban para sa kapakanan ng mga guro at kapwa mag-aaral, sa loob at labas ng unibersidad.


Naranasan ko ring makipamuhay sa picket line ng mga simpleng manggagawang pilit na nakikipaglaban para sa kanilang simpleng mga karapatan.


Hindi ko malilimutan ng minsan, sa isang picket line ng isang eliganteng hotel sa Maynila, habang ang ilang manggagawa ay nagpapahinga, at ang iba nama'y matiwasay na nagpapahayang ng kanilang mga saloobin, bigla kaming pinaulanan ng mga batong nanggagaling sa hindi ko masabing parte ng hotel, madilim kasi, pero napakaraming bato, buti na lang at nakatakbo kami, basag ang mga salamin ng mga nananahimik na kotseng nakaparada duon... matapos ang higit sa sampung minutong unos, maingay ang paligid sa tunog ng alarm ng mga sasakyang nayanig sa pangyayari, marami rin sa manggagawa at kabataang nanduon ang nasaktan at isinakay sa ambulansyang mabuti na lang na napadaan duon, hindi naman ako nasaktan o nagalusan man lang... mabuti na lang...

Nakisali at nakisama rin ako sa mga rally sa tapat ng Malacanang, sa Mendiola, sa Senado, at sa US Embassy... May picture na rin ako na nalathala sa ilang sikat na dyaryo, hindi mo nga lang masasabing ako yun dahil may suot kaming maskara... Nakinig... Nag-aral... Namulat...

Sa kabila ng extra activities ko sa loob at labas ng Unibersidad, hindi ko naman gaanong napabayaan ang aking mga grado, sa katunayan... Sa ikatlong taon ko sa Unibersidad, ay pinasok ko na ang pulitika... tumakbo kami ni Edna bilang CSG o College Student Goverment... nag-room to room, nagpakilala, naglatag ng plataporma, sumagot sa mga tanong ng mga estudyanteng sumusubok sa aming kakayanan at talas ng dila...Nagkalat ang mga pangalan namin sa bawat sulok ng Unibersidad... gabi-gabing puyat, miting dito miting duon, plano...plano...plano... gawa... gawa...gawa...

Dumating ang araw ng paghuhukom... eleksyon day!!!...

Matapos ang ilang oras na paghihintay... na parang ilang taon... maliwanag ang araw na sumikat sa amin ni Edna... ikatlo ako sa nakakuha ng may pinakamataas na boto... hindi ako makapaniwala... SALAMAT sa lahat ng nagtiwala!
Sa kabuuan... sa Minority Group napunta ang partidong (KAMAO) aking kinabibilangan, nakakatuwang isipin na ako...ako...ako ang ibinoto ng mga kapartido ko para tumayong Minority Leader nila...

Nakakatuwa... nakakatawa... wala naman kasi akong alam... si Edna... oo... si Edna, s'ya talaga ang dahilan ng lahat ng yan!... ang pagkikilahok ko sa eleksyon... ang pagkakamulat ko sa mundong kinabibilangan ng mga lumalabang mag-aaral, manggagawa, guro, maralita, ang lumalabang masa upang patuloy na protektahan ang ating mga karapatan!

Sa pang-apat na taon... hindi na 'ko estudyante ng Unibersidad... hindi na rin estudyante ng kilusan... May mga tanong sa parteng ito ng buhay ko na wala pa ring sagot mga pangyayaring maaring hindi n'yo na malaman...

Enrollment nuon nang mapatunayan kong isang linggo na akong buntis... pinili ko ang siyam na buwang kurso ng pagdadalang-tao, may siguradong diploma! ... Sabi ng tatay ko matalino daw ako pero bobo (sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa)...

Hindi ko naisip na pwede ko naman palang pagsabayin... hindi ko naisip... hindi ako nag-isip... kaya hindi ko nagawa...

Hindi na ko nakabalik sa Unibersidad, pero kumuha ako ng alternative/vocational course... Iridology... pero nung mamatay ang isa sa naging pasyente ko, hindi na ulit ako sumilip ng  mata!... hindi ko naman daw kasalanan yun (alam ko naman yun!) pero natakot na siguro ako!

Hinarap ko na ang buhay may-asawa, biniyayaan ng dalawang makukulit na supling... masaya... mahirap... pero di ba... hindi naman na babalik ang kahapon... ngunit magpapatuloy ang ngayon... para sa naghihintay na bukas!!!


At sa bawat bukas na darating... ang bawat ngayon... ay magiging ALAALA NG KAHAPON...

At tulad din ngayon, pasahero man akong matatawag sa sinasakyan kong bus... ako pa rin ang magdedesisyon kung saan ako patungo at bababa... at sasabihing...

"Manong sa tabi na lang po...


Grabe po ang trapik!!!...


Salamat po"


***Katapusan***

 

Tuesday, June 8, 2010

Alaala ng kahapon -3 (Elementary part2)

Maganda ang palabas ngayon sa bus,  ilang lingo pa lang  itong naipapalabas sa sinehan, si Jakie Chan ang bida,  sayang hindi ko nasimulan.  Trapik ngayon, long weekend kasi.  Mabagal ang usad  ng bus, pero mabibilis ang mga letrang naglalaro sa aking munting kaisipan....


Matatapos na ang bakasyon...  Masama pa rin ang loob ko...  pakiramdam ko pinamigay ko si Jesus bago pa man sumapit ang kanyang kaarawan.  Tama nga si titser 'Iglesya' nga ako! (bago po kayo mag-react paki basa lang po muna ang Alaala ng kahapon-2 elementary). 

Pasukan na ulit... Maugong ang balitang may isang batang babae daw ang di umano'y sumama sa isang di kilalang lalake at natagpuang na lang na nakahandusay sa talahibang malapit sa aming paaralan.  Paulit-ulit din ang paalala ni titser sa amin na huwag kaming makikipag-usap sa mga taong hindi namin kilala, at mas lalong huwag kaming sasama sa kanila. 

Naubos ang lahat ng oras para sa buong araw sa paksang iyon,  ngunit ayaw naman nilang pangalanan kung sino ang batang tinutukoy nila.  Hindi naman talaga ako interesado sa pinag-uusapan nila.  May plano na kasi ako para mabawi si Jesus.

Absent ang pinagbigyan ni titser sa nakuha kong imahe ni Jesus.  Malapit lang naman ang bahay nila sa eskwelahan kaya naisip kong puntahan na lang sya sa bahay nila,  hindi rin naman ako maiiwan ng service dahil mas maaga ang uwian namin sa mga grade-VI na hinihintay din ng service,  hindi rin naman ako magtatagal,  babawiin ko lang si Jesus...

Bitbit ang singkwenta pesos na bahagi ng nakuha ko nang nagdaang pasko, dumiretsko ako sa bahay nila.  Apartment type ang tinitirahan nila, pangatlo at dulong bahay ang sa kanila.  Sakto, nasa labas ang nanay nya, kaso ayaw daw lumabas ng kaklase ko, ayaw daw makipag-usap kahit kanino.  Sumilip ako sa loob ng bahay, sa may dingding napansin kong nakasabit si Jesus,  nalungkot ako...

Paalis na sana ko ng  biglang lumabas si lanie ( di nya tunay na pangalan... promise!), matamlay sya, mukang may sakit, halatang hirap sya mag-salita, hindi ko madiscribe yung itsura nya, hmmm.. basta nakakaawa... Nakatitig lang ako sa kanya,  pinaupo nya ko, ngumiti sya ng bahagya, nagpasalamat at napadalaw daw ako,  baka hindi na daw sya papasok ulit, nahihiya daw kasi sya ... lahat daw ng tao sa school alam na na-rape sya... (Huh!?! rape??? ano daw??? teka muna.. ano ba sinasabi mo? pumunta lang ako dito para bawiin si Jesus, wala akong sinasabing na rape ka! ), wala nga daw syang maalala sa mga nangyari eh, basta may mamang nakipag-usap sa kanya nagpapasama sa bahay para magpatulong tapos ayun paggising nya, nandun na sya sa talahiban.  Hindi pa rin ako makapagsalita.   Nakatitig pa rin ako sa kanya, wala ni isa mang salita na nasa utak ko ang nasambit ng bibig ko, tikom ito ...  nakikisama.  Sandali pa at nag-paalam na din ako, baka maiwan na kasi ako ng service,  bago ako makatayo napansin ko ulit si Jesus na nakasabit sa dingding nila, wala na ang kagustuhan kong mabawi s'ya, alam kong mas kailangan s'ya nito sa mga oras na yun.

Iyon ang huling pagkikita namin ni Jesus at ni Lanie, balita ko umuwi na sila ng probinsya at duon na sya magpapatuloy ng pag-aaral.

Walang nakakaalam na nakausap ko ang batang minsang pinagtsismisan sa loob ng paaralan.  Ngayon pa lang...

Isang beses pa ng katangahan tungkol sa relihiyon:  Sa araw ng huling klase ng grade two, syempre puro kwentuhan na lang, dalawa sa klasmeyt ko ang nag-aaway dahil sa magkaiba nilang paniniwala sa Diyos.  Iisang parte lang ng pagtatalo nila ang naaalala ko.  Sabi ng isa kong klasmeyt, galit na sya:

 "yung Diyos nyo pag- nilagay sa tubig lumulubog, yung Diyos naming mga Iglesya ay buhay, pag inilagay sa tubig, lumulutang." 

Hindi ko alam kung saan nya nakuha ang pagkukumparang iyan pero sa totoo lang  nung panahon na yun, natuwa ako...  may Diyos din naman pala ang mga salbahe (teka muna ulit... basahin ang alaala ng kahapon 2 elementary), at take note 'buhay' at lumulutang pa sa tubig.

Ang katapusan ng grade two ang katapusan ng kamangmangan ko sa relihiyon. Pag-pasok ko kasi ng ikatlong baitang, natuto na akong makinig sa mga guro, kahit sa raw four ako nakaupo.  
Sa ganitong edad ko rin naranahasan ang itinuturing kong pinaka nakakahiyang pangyayari sa buhay ko.  Dahil sa mababang paaralan ako nag-aaral, normal lang na pinaglalaba ng basahan ang mga estudyante. 

Isang araw ako ang nautusang paglabahin ni titser ng basahan.  Wala namang nakakahiya sa paglalaba, wala naman kasing nakakakita sakin habang ginagawa ko yun.  Ang nakakahiyang parte ay nung ibabalik ko na sa room ang bagong banlaw na basahan sa paa (ito yung klase ng basahan na nasa labas ng pinto bago ka pumasok).  Papasok na ko ng room, i-aabot ko sana kay titser yung basahan, kaso pinigilan nya kong pumasok dahil tumutulo yung hawak ko.  Sinabihan nya kong  isampay ko daw ang basahan,  tingin sa kanan... tingin sa kaliwa... tingin sa likuran... wala akong makitang sampayan... tumingin ako kay titser at umiling.  May itinuturo sya sa likuran ko... hmmm... sa maninipis na tubo at bakal gawa ang  bakod ng hallway ng paaralan pero wala naman akong nakikitang basahan o kahit ano na nakasampay duon.  Kaya umikot ako sa kabilang bahagi ng bakal na bakod nagbabakasakaling nanduon ang itinuturo ni titser... wala... nakita ako ni titser sinigawan ako, ano daw ginagawa ko dun, bumalik daw ako... bumalik naman ako, lalong nanlaki ang mata nya ng sa pag-balik ko hawak ko pa rin ang basang basahan.  Isampay ko daw, umiling ako at sumenyas na walang sampayan, itinuro nanaman nya ang kung anong mang meron sa likuran ko, umiling ako... sinabi kong wala ngang sampayan sa likuran ko, sabi nya "jan... jan... jan mo isampay" tumingin ulit ako sa likod baka sakaling lumitaw na ang mahiwagang si janjan... wala pa din.  Galit na sya, mangiyak ngiyak na ko at kulubot na ang mga daliri ko. Lumabas sya ng klasroom at itinuro ang rehas, dun ko daw isampay.  Pagpasok namin ng klasroom nakatigin sakin lahat ng kaklase ko (di ko man yun nakikita, nararamdaman ko naman).  Simula nun hindi na ulit ako naglaba ng kahit na anong basahan ng titser ko.

Iyan lang ang naaalala ko sa grade three, ang basahan at si janjan(rehas na bakal).  Pagpasok ng Ika-apat na baitang, nabura na sa mga alaala ng mga kaklase ko ang di ko malilimutang kahihiyan. 

Unang araw ng klase bilang grade four,  sa huling bahagi ng raw one ako nakaupo, biglang pumasok ang guro sa kabilang room, nagtawag ng pangalan, isa ako sa mga natawag, natawag din si Angie kaso absent sya.  Lahat ng natawag ay pinalipat sa kabilang section (kung section 6 ka, magiging section 5 ka na).  Iyon  na rin ang naging daan sa pagkakahiwalay namin ng landas ni Angie.  Kinabukasan pag-pasok ko hindi na ako ang bespren nya duon... Hindi naman ako nakahanap ng kapalit nya bilang bespren sa eskwelahan, pero naging masaya na rin ako, kasi kahit saang grupo, pwede ako, lahat sa kanila kaibigan ko, kumbaga neutral ako, walang kinikilingan, walang pinapanigan, sebisyong totoo lamang...

Sa panahon ding ito nangyari ang lindol na hindi ko makakalimutan, kahit magka-amnesia ako...

Malapit na ang uwian, nag-aayos na ako ng gamit ng biglang may lalaking tumatakbo sa labas at sumisigaw ng " lumilindol... lumilindol ..."

Wala daw magpapanic sabi ni titser, pero hindi na nya malaman kung ano ang gagawin, kung ano ang uunahin, palalabasin ba nya kami ng room o magdadasal na lang kami sa loob ng room o pagtataguin sa kung saan mang pwedeng pagtaguan.   Sa huli pinapila at pinalabas din nya kami.  Hindi nasunod ang pila, sa itsura kasi ni titser katapusan na namin.  Sabay-sabay nagtayuan at nagtakbuhan sa pintuan.  Ako ang pinaka-huling nakalabas ng pinto, binalikan ko pa kasi ang baunan ko.  Sa quadrangle tinipon ang lahat ng mag-aaral, 7.5magnitude, ramdam na ramdam mo ang pag duyan ng mundo!.

Sa quadrangle ko naalala na may kapatid nga pala akong duon din nag-aaral ng grade two.  Nasa kabilang building ang classroom nila, sinubukan ko syang hanapin sa quadrangle... pero wala ako makitang grade two duon.  Wala daw munang aalis sa pwesto hanggat hindi sinasabi ni titser pero wala akong paki-alaman, umalis ako at tinungo ang classroom ng kapatid ko... after shock... nagsigawan ang mga nasa quadrangle habang tuloy-tuloy lang ako sa paglalakad, ilang segundo lang naman ang ugoy... deadma lang... narating ko rin ang classroom nila, laking gulat ko ng makita kong nasa loob silang lahat ng classroom naka-upo lang, deadma din sa lindol na umuugoy sa buong Luzon.  Nilapitan ko si titser at sinabing sinusundo ko na ang kapatid ko, sinabi ko na din kay titser na pinapupunta ang lahat ng estudyante at mga guro sa quadrangle para duon muna mamalagi.  Pinayagan naman nya akong bitbitin na ang kapatid ko habang naghahanda silang pumunta sa quadrangle.  Pagbalik ko sa quadrangle kasama ko na ang kapatid ko, dumeretso kami sa section ko, hindi naman yata napansin ni titser na nawala ako, kasi nawawala din sya.  Sandali pa ay pinauwi na rin kami, mabuti na lang at maaga din sumundo ang service namin,  salamat na lang at matibay-tibay pa ang aming eskwelahan, wala masyadong damage.

Ika-anim na baitang... hindi po ako nagmamadali grumaduate, wala lang talaga ako maalala nung grade five ako, wala na rin ang classpicture ko o kahit anong pwedeng magpaalala sakin sa yugtong iyon ng buhay ko. Kaya sa ika-anim na baitang tayo mag-kwentuhan.

Sa yugtong ito ng kamulatan ko nakilala si kupido na sablay na pumana sa nananahimik kong puso. 

Subject: Science
Topic: Stone

Nagsimula sa recitation ang klase, tanong si titser pili ng sasagot sa klase... tinawag ako, hindi naman ako nagtataas ng kamay ah, absent kasi ako kahapon kaya wala akong kaalam-alam sa paksang tinalakay nila.  Wala din ako sa tama kong upuan, hindi ko maalala ang dahilan, nasa raw two ako pinaka huling upuan na pang-dalawahan, samantalang dapat nasa raw one ako pang-huling upuan din.  Hindi ko alam kung saan umupo yung dapat na nasa inuupuan ko at saan umupo yung dapat na katabi ko.  Wala na akong ibang nagawa kundi tumayo, nagtanong si titser ... syempre hindi ko alam ang sagot,   ilang segundo pa ang lumipas, tatlong beses ko na ring pinaulit ang tanong kahit alam ko na hindi ko alam ang sagot  (ano daw???),  konting segundo pa... biglang bumukas ang langit, ibinaba ng Diyos ang aking tagapagligtas,  ibinulong ng anghel na sumulpot sa tabi ko ang sagot, ang ending ligtas kay titser, at simula nun ang anghel ang itunuring kong 'knight and shining armor', biglang nagka kulay ang paligid, nagkaitsura ang mga blankong mukha, gwapo pala ang anghel, umusbong ang unang tibok ng dib-dib, nagkasagot sa slumbook ang 'who is your crush?' at 'who is your first love?' wala na ngang iba si Cris.

Kinabukasan balik na sa dating upuan, parang gusto ko ng makipagpalit ng upuan.  Sya at wala ng iba ang naging una at huling crush ko sa buong buhay ko sa elementarya... bakit ba kasi hindi ko sya agad napansin mas marami sana tayong pag-uusapan. 

Si crush ang nakabunot sa akin para sa exchange gift sa christmas party.  Isang bench na sumbrerong kulay green ang natanggap ko galing sa kanya... (wala akong paki-alam kung hindi sya ang bumili nun.. basta galing sa kanya yun.).  Walang ibang nakakahawak ng sumbrerong iyon bukod sa akin, pero nanakaw yun ng minsang gawing props para sa holloween.  Pinangalanan ko rin ang isa kong teddy bear na kulay light blue ng pangalan nya, hindi ko lang basta pinangalan yun sa kaawa-awang bear, isinulat ko pa ang buong pangalan n'ya sa katawan nito gamit ang pentel na kulay bughaw. 

Minsan... sumali din ako sa mga batang marshall ng eskwelahan, simple lang ang dahilan ko sa pagsali 'AYOKO PUMILA'... yun lang!  Ilang oras lang naman ang gugugulin mo sa eskwelahan tuwing sabado, may  extra curricular activity ka na, hindi ka pa pipila bago pumasok.  Pero ang pinakamasaya sa pagiging SOPI (yan ang tawag samin.. na ginagawang 'piso' ng ibang ingit lang sa amin..) ay makakapili ka ng gate na pwedeng pwestuhan at bantayan... syempre pagkakataon... lagi ako sa gate kung saan papasok si crush.

Hindi naman ako pinapansin ni crush, kaya ang sana'y kilig-kiligang issue ay nauwi lang sa kawalan,  pero ang kawalang yan ay nanatili sa puso ko hanggang 2nd year high school.  Bad trip kasi si kupido sablay pumana!

Muntikan na rin akong umakyat ng entablado sa araw ng graduation na nakasemento ang kanang braso...   Nakikipaglaro kasi ako ng black123 (habulan) sa mga tropa ko sa amin, nang biglang mapatid ng kalaro ko ang isang paa ko kaya bumulusok ako sa damuhan, naitukod ko ang kanang kamay ko na sa kasamaang palad ay di kinaya ang bigat ng yayat kong katawan.  Mabuti na lang at mabait at gwapo ang doktor na tumingin sakin, napilit kong huwag ng sementuhan dahil malapit na ang graduation.  Kaya nilagyan nalang ng benda at isinabit sa leeg ko, kasabay ng pangakong hindi ko ito tatanggalin. 

Sa araw ng graduation... syempre tinanggal ko!!!

Sa wakas... natapos ko din ang anim na taon sa elementarya ... hindi ko rin alam kung papaano... walang flying colors... walang medal... walang honor.... may mga munting alaala ng mga taong nagbigay inspirasyon... nagbigay ng lakas ng loob... nagbigay ng munting panahon... nagpasaya... nagbahagi ng kanilang buhay ... mga alaalang ipapabaon para sa susunod na yugto, ng pagsugpo sa kamangmangan..


"Ayayyay!"
"Manong... manong... para na po... lampas na po ako!"
;-0

Thursday, June 3, 2010

Alaala ng kahapon - 2 (Elementarya)

Sa bawat hinto ng bus, nagigising ako ... ayoko na kasing lumampas ...

Sa kabila ng puro palakol kong grado nung kinder, pinayagan naman akong umakyat ng entablado ...

 Sa loob ng simbahan sa gilid ng eskwelahan ginanap ang graduation ceremony.  Base sa mga larawang kupas, masaya naman ako.  May picture habang nakapila sa labas ng simbahan, picture papasok ng simbahan, picture sa loob ng simbahan, picture habang inaabot ang diploma, picture habang nakikipag kamay... puro picture ... lang... wala kasi akong ibang maalala kaya ang kwento nakabase lang sa mga larawang niluma na ng panahon ...

Sa pagkakaalam ko kami na rin ang huling batch ng kinder na nagtapos sa paaralang iyon. Na-trauma ata dahil sa dalawang batang muntik nang kalimutan ng mundo.

Next Stage: Elementary

Hindi rin ganun karami ang naaalala ko sa parteng ito ng buhay ko, pero isusulat at ibabahagi ko na rin bago ko pa tuluyang makalimutan.
Marami sa mga alaala ay para lang kinunan sa isang digital kamera na mababa na ang pixel wala pang zoom.



Sa mababang paaralan ng elementarya ako ipinasok ng magulang ko.  Ang paaralang nakatayo sa kabilang dulo lang ng luma kong pinasukan. Kung galing ka sa rotonda at sasakay ka ng trycikle  papunta sa school, kakanan ka sa unang kanto pag lagpas ng riles ng tren, 'yan ay kung sa kinder school ka pupunta, pero kung sa elementary school, kakaliwa ka lang ... ganun kadaling marating ... kung nasa rotonda ka ... 

Kaso, wala sa rotonda ang bahay namin, at para makarating ng rotonda, galing sa amin,  maglalakad ka papuntang sakayan ng tricykel, syempre sasakay ka, pag baba mo sasakay ka naman ng jeep, at pag baba mo sa jeep maglalakad ka ulit at tatawid ng may kung ilang beses bago ka pa makakarating sa sakayan ng tricykel na nasa rotonda, at yun na... malapit ka na sa eskwelahan ...
Madali lang di ba?... iyan ay kung tao ka na... grade 1 pa lang po ako...

Hindi ko na kasabay mag-aral ng grade 1 ang pinsan ko, kinailangan kasi nyang mag kinder2 dahil sa edad nya. Kaya mag - isa akong papasok sa mas boring na mundo ng elementarya.

Kinailangan ko na ring mag-service para wala ng diskusyon sa kung sino ang maghahatid, at para hindi na rin maulit ang nangyari nung kinder pa ako.  Dito ko nakilala ang una kong naging bestfriend, si Angie. 

Sa bahay nila kami madalas manood ng 'Princess Sarah: ang munting prinsesa' , ng matapos ang kwento ng isang batang prinsesa sinundan naman ito ng kwento ng isang batang prinsipe na pinamagatang 'Cedie: ang munting prinsipe'.  Kung magkikita kaya ang dalawang batang ito magkaka gusto kaya sila sa isat isa? ...

Maaga kasi ako umaalis ng bahay para siguradong hindi ako maiiwan ng service, pagalis ng bahay dederetso na ko kina Angie para duon manood ng tv,  hindi po dahil wala kaming tv,  masyado ko lang paborito ang kwento ni princess Sarah, pero kung sa bahay ako manonood maiiwan ako ng service,  kailangan ko pa rin kasing sumakay ng tricykel bago makarating sa sakayan ng service... (kailangan talaga mag-explain???)...  Bayani ang pangalan ng driver namin, sya ang madalas na tumatawag samin ni Angie pag aalis na ang service.


Ikalawang baitang .... (oops .... hindi po ako accelerated, imposible po iyon base sa mga grado ko nung kinder.  Wala pong unang baitang dahil wala po akong maalala sa panahong iyon period. )

May mangilan-ngilang alaala sa panahong ito na nananatili sa munti kong kautakan tulad ni Joseph... ang lalaking ... hmmm ... basta lalake sya.

Sa raw three ako nakaupo sa unahang upuang gawa sa sa kahoy at pang-dalawahan .  Hindi po base sa grado ang ayos ng upuan namin base po ito sa tangkad... promise!!!... Pangatlo ako sa pinakamatangkad (kabaliktaran po) kaya sa unahan ng raw three ako nakaupo.  Isang lalake at isang babae ang magkatabi sa upuan, hindi naman dahil sa match-maker ang teacher ko.  Ayon sa kanya, at base siguro sa karanasan nya, mas maingay at mas magulo ang klase kapag parehas na kasarian ang magkatabi...hmmm ...oo, nga naman,... tsismisan, umaatikabong kwentuhan at rambulan ng mga grade two pupils... Ayos!!!

Balik tayo kay Joseph, mukha syang hapon kung titignan,  hindi ko sya katabi, sya ang lalaking nakaupo sa likod ko na katabi ng bespren kong si Angie (klasmeyt ko si Angie mula grade 1 hanggang grade 3).  Uwian na,  pero hindi pa kami maka-uwi, wala daw uuwi hanggat hindi kami tumatahimik.  Walang imikan lahat busy kakatitig sa kanya kanyang lamesa.  Yung iba  nakatungo, pero si Joseph busy kakasulat sa notebook nya, at si bespren busy din kakasilip sa pinagkakaabalahan ng katabi nya.  May biglang kalabit sa balikat ko, tingin ako sa likod si bespren nagpipigil ng tawa tinuturo ang ginagawa ng katabi nya, ... walah! ... pangalan ko at pangalan nya may puso sa gitna.  Ay sus! wala talagang magawa ang mokong! dahil bawal mag-ingay apat lang kaming nakaalam ako,si bespren, katabi ko at si hapon.  Sa sobra kong kahihiyan gusto ko syang ilubong sa kinauupuan nya.

Wala naman akong maalalang naganap na tuksuhan, hindi ko naman type si hapon, and dahilan kung bakit hindi ko sya makakalimutan ay dahil sa isang bagay na itinuro nya sa akin...
Ang isulat ang pangalan ng crush mo lagyan ng puso sa gitna tapos isulat ang pangalan mo.  Sa ganitong paraan lalabas na yung crush mo ang may gusto sayo, O diba ... ang sarap sa pakiramdam.

Sa ganitong edad at estado ko rin nalaman na ibat-iba pala ang relihiyon at paniniwala ng tao sa Diyos.

Christmas Party:  Syempre bawat bata may dalang regalo, pinalagay ni titser ang dala naming regalo sa lamesa sa harapan, ang lahat naman ng upuan ay nasa gilid ng classroom... meron na kaming center stage... Nilagyan  ni titser ng numero ang bawat regalo, pinabunot nya kami ng papel na nasa chalk box , ang bawat papel ay may nakasulat ding numero, at sa ayaw at gusto mo ang regalong makukuha mo ay yung kaparehas ng numerong nabunot mo.  Sabay-sabay nagbukas ng regalo ang mga batang paslit, may biglang umiyak, sando ng babae kasi ang nakuha nya (lalake po sya), kaya kinuha ni titser ang sando at pinalitan ng kotsekotsehang kinuha din nya sa isang klasmeyt kong babae.  Wala naman akong angal sa nakuha kong frame na may imahe ni Jesus, pero wala akong kalaban-laban ng kunin sakin ni titser si Jesus at ipagpalit ng isang pirasong panyo set (panyo,suklay at salamin) at ibigay sa  klasmeyt kong sariling regalo ang nakuha.  Sinabi sakin ni titser na Iglesya naman daw ako kaya panyo set na lang ang sa akin,  hindi ko alam kung ano ang ibig nyang sabihin, ang akala ko ang ibig sabihin ng Iglesya ay salbahe kaya hindi bagay sakin ang imahe ni Jesus, naawa naman ako sa klasmeyt ko dahil iiyak na din sya, pero mas natakot ako sa titser ko kung papalag ako.  

Pagdating sa service kanya kanyang pakitaan ng nakuhang regalo, pinakita ko ang panyo set ko, natuwa naman sila pero napansin ni mang Bayani na malungkot ako, sinabi ko sa kanya ang totoo na hindi naman talaga iyon ang regalo ko, ipinagpalit lang ni titser dahil Iglesya (salbahe- ayon sa description ko ng mga oras na yun) daw ako.  Huwag na daw ako malungkot,  maganda naman daw yung panyo set ko, at buti nga daw may nakuha ako.  Sa puntong iyon ko lang napansin na may humahagulgol palang isang paslit sa loob ng jeep, wala kasi syang natanggap kahit ano, mahal pa naman daw yung niregalo nya.

Christmas party ang huling araw ng mga mag-aaral sa eskwelahan, hudyat ito ng isang mahaba-habang bakasyon.  Next year na ulit ang balik!!!


"Manong, sa tabi na lang po"
"Manong, para po"
"MANONG BABABA NA PO AKO!!!"

haaay,   lumampas pa rin ...

Saturday, May 29, 2010

Alaala ng kahapon (kinder)

Tagalog para mas madaling isulat at intindihin...para sakin...


Wala naman kasing ibang mag babasa ng blog na to kundi ako.   Pero anong malay ko baka sakaling mag ka interes ka... yan ay sa mundo ... ng mga 'malay'  .....


Matagal ko ng kasing gustong sumulat ng libro at tawaging manunulat, pero dahil sa kawalan ng oras, inaanay na ang mga salita at pahina sa utak ko. Sana... sana maimbento ang mind recorder, para iniisip mo pa lang maii-record mo na.  Mahirap din kasing sabayan ang mga naglalarong salita at istorya sa utak ko, mas bibilis sila kesa sa lapis at papel ko.


Ang mga kwentong nabubuo ay base lamang sa mga nakikita ko at nakikita nya, nararamdaman ko at nararamdaman nya, nararanasan ko at sa nararanasan nya ( madalas akin din to pero di ko aaminin kung alin alin dito ).


Matagal ang oras na ginugugol ko sa byahe patungo sa trabaho at syempre pauwi sa bahay.  Kaya habang nakaupo sa malamig na bus (aircon.. sosyal!)  naglalakbay kasabay ng bus ang utak ko... mas malayo nga lang... sa sobrang layo nauuwi sa literal na tinatawag  na panaginip. Yung tipong "Manong, Sa Tabi Na Lang PO"  pagkababa maghihintay ng konti (para hindi halata) tapos tatawid sa kabila sasakay ulit... lampas na pala haha..


Dahan-dahang umuusad ang bus.. (trapik)... at unti unting magsisimula ang kwento ng buhay ko...


Wala ako masyadong maalala nung ipanganak ako hanggang mag kinder...(ikaw ba meron???).. pero kahit papano base sa birth certificate at mga litrato ko (daw) masasabi kong ipinanganak nga ako bilang isang tao....(promise..!)


Sa CWL ako nag-kinder, wala akong kamuwang-muwang sa paligid ko, wala din ata akong paki alam sa mga subjects ko, dahil nung minsang makita ko ang classcard ko naihagis ko ata sa basurahan.  Sa pagkakaalam ko ito dapat ang panahon kung saan Excited ang bawat bata sa pag-aaral. Unang beses magbabasa,  mag-susulat, at magbibilang,  mag-papakitang gilas  para patunayang may karapatan ng pumasok sa elementarya.  Pero wala yata ito sa sistema ko,  hindi ko maalala kung ano-ano ang mga nangyari nun, pero pinatunayan ng grado ko ang mga munti..(buti nga hindi wala) kong natutunan.  Hindi ko alam kung bakit kailangan bigyan ng mabababang grado ang mga bata sa ganitong edad, hindi ata tama...


Hindi ko makakalimutan ang huling oral exam sa math subject.  Dito ko natutunan ang silbi ng mga daliri sa paa.  Isa-isang tinawag ni teacher ang mga kaklase ko... syempre ako na ...kinakabahan... una madali lang 1 plus 1 ... 5 plus 4 tapos ...10 plus 5...(o di ba, damay-damay na lahat ng daliri) pinaka malupet... 10 plus 10... pagkatapos ng exam naisip ko ... maswerte yung mga classmate kong may anim na daliri sa isang paa o kamay... nasagutan nila yung ... 10 plus 11...


Isa pang malupet na pangyayari... isa lang ata ako sa 1% ng kabataang nakaranas ng ganito... uwian na ... tingin sa kanan, tingin sa kaliwa... walang pamilyar na mukha ... baka late lang...
Kasama ko ang pinsan ko, sabay kami nag- kinder pero mas matanda ako ng anim na buwan sa kanya.  Malayo ang bahay namin sa eskwelahan hindi pwedeng lakarin at maraming kalsadang dapat na tawirin.  Gustuhin man naming umuwi, hindi kami paaalisin ng bantay, kung walang sundo...
hintay... hintay... hintay...
Nalinis na ata ng nagbabantay sa amin ang buong eskwelahan, pero wala pa din ang sundo namin.... hintay... hintay... hintay pa rin... hapon na... (pang-umaga ang klase namin...). 
Mabuti na lang at mabait ang babaing nagbabantay sa amin at hindi kami iniiwan (salamat po... ). 
Alas kwatro, hay salamat may nakapansin din na hindi pa pala kami nakakauwi... dumating ang nanay ko ... hindi sya ang nakatokang sumundo samin, may pasok kasi sya at alas dos ng hapon ang labas nya ng opisina... mga alas tres sya makakarating sa bahay... syempre sya na isang mabuting ina ang unang nakapansin na wala pa ang paborito nyang anak ( ako yun!!!) ... kung ikaw sya, ano ang mararamdaman mo? .... nagmamading bumaba ng tricykel iginala ang mga mata .... sa wakas sa isang sulok sa tapat ng simbahan (sa gilid kasi ng eskwelahan ay may simbahan) nya kami natagpuan .... syempre makaka- uwi na rin ang mabait at matiyagang babae na walang sawang nag bantay samin ... sikreto ito nung mga oras na kasama namin ang mabait na babae naisip kong isa syang witch na pagkatapos nyang maglinis sa eskwelahan at wala pa ang sundo namin ay dadalhin na nya kami sa bahay nya at gagawing pulutan... buti na lang at isa pala talaga syang angel...muli salamat po sa inyo..(di ko na talaga maalala ang pangalan nya, basta morena sya medyo mataba at may malaking nunal sa mukha).


Hindi ko rin maalala kung sa musmos kong pag-iisip e nagka-crush na ko, pero kung alam ko lang na ang lalaking mananatili sa panaginip ko (at mananatiling hanggang dun lang) hanggang ngayon ay sa yugtong ito ng buhay ko nakilala... makikilala(high school ko na ulit kasi sya nakita at nagpatibok sa puso ko) ... sana mas naging masaya ang mga alaala ng pagiging-kinder!!!

Teka, masyado ata akong na-aliw...

"Manong, sa tabi na lang po"... pagkababa maghihintay sandali, tatawid sa kabila at sasakay ulit...

Lampas nanaman .....