Wednesday, October 7, 2015

makinig ka!

makinig ka!
wala akong sasabihin,
pero makinig ka!

dahil mas mahalaga
ang mga salitang
hindi ko binibigkas,
kaya makinig ka!

hindi ko sasabihin
na ako'y nasasaktan,
pero sana marinig mo
ang unti-unting pagpunit
ng aking puso.

magtatago ako
sa masayang maskara,
pero sana marinig mo
ang humahagulgol kong
kaluluwa.

marinig mo sana
ang hindi ko na
paghinga.

kaya makinig kang maigi
dahil wala akong sasabihin.

-walakasingmagawa

Tuesday, March 17, 2015

walang title - ayoko

Dalawa ang dahilan kung bakit ikaw ang nasisisi o kung bakit ka nagsisisi ... una, dahil sa mga bagay na ginawa mo at pangalawa dahil sa mga bagay na hindi mo ginawa...

Hindi ako normal isa akong abnormal na walang magawa ... minsan may isang taong nagsabi sakin, sana daw isa na sya sa tauhan sa susunod na gagawa ako ng kwento sumagot ako ng ayoko kasi kung ilalagay kita sa kwento ng mga alaala ko ibig sabihin bahagi ka na lang ng mga kwento sa loob ng bus, ayoko kasi ang gusto ko isakay ka sa sarili kong sasakyan at maglakbay ng walang hanggan.

Hindi ko alam kung bakit pero pigilan ko man kusang lumalabas ang mga salita at kusang tumitipa ang mga letra, wala na kong magawa, kaya panonoorin ko na lang kung paano mabubuo ang isang bagay na walang siguradong simula at lalong walang kasiguraduhan ang katapusan... pero teka muna ... ang totoo ayoko tapusin.



Oras

     Oras daw ang pinakamagandang regalong pwede mong ibigay, kasi ito ang parte ng buhay mo na hinding hindi mo na maibabalik.  Kapag naibigay mo na ito hindi na yun pwedeng bawiin ng kahit sino, kahit gaano mo man ito gustong ibalik wala ng magagawa.

     Iba't iba ang pagtrato ng bawat isa sa oras, meron gustong pabagalin, meron gustong pabilisin! ... Siguro kung ikaw ang nakikinig sa mga hiling nila malilito ka sa kung sino ang pagbibigyan!

    Ako, hindi ko alam kung gusto ko bang pabagalin o pabilisin ang oras... Minsan gusto kong pabagalin para mas makasama pa kita ng matagal... Minsan gusto kong pabilis para matapos na ang paghihintay...

     Parang malakas na bagyo na alam mong paparating, minsan sasabihin mo "wait lang 'wag muna!",  yung iba naman "sige ibuhos mo na lahat para matapos na!". 

    Siguro depende yun kung nasaan kang sitwasyon... Depende sa pinagdadaan ('wag tambayan) mo.

   Ganito pala ang pakiramdam ng pamilya ng mga ofw, yung pinipigilan mo s'yang umalis pero kapag ganito na ang linya nya "kailangan", "mabilis lang ang dalawang taon", "mas makakaipon tayo", tatango ka na lang kahit ayaw mo pa rin... At sa puntong to hindi mo alam kung gusto mong pabilisin ang oras para makaalis na sya at matapos na ang dalawang taon (kasama ng theme song nyong magkabilang mundo ni jirah lim),  at muli ng makasama ang isat-isa ... O pababagalin mo ba ang oras para makaipon pa ng mas maraming memorya na babaunin nyo parehas bago ang mahabang paghihintay...

     Pero ang totoo... Kahit ano ang hilingin ko, bumagal o bumilis, wala naman akong magagawa, hindi naman nakadepende sakin ang oras... Ang tangi ko lang magagawa ay maghintay at umasa na magiging maayos ang lahat... At habang wala pa habang nandito ka pa, habang nahahawakan at nayayakap pa kita, pwede bang akin ka muna?!?
     

Wednesday, March 16, 2011

Ang Karelasyon Ay Parang Trabaho

Ang karelasyon (asawa,  nobyo, n0bya, at kahit kaibigan) ay parang trabaho, at ang pagmamahal ay parang sweldo...take it or leave it!.. yan ang madalas sabihin ng employer mo kapag nagrereklamo ka sa trabaho o sweldo mo.

Madalas marami tayong ayaw sa trabaho, maraming hinahanap, maraming angal, maraming gustong mangyari at minsan maraming... kaagaw! Pero kapag tinanong ka kung bakit ayaw mo pang magresign... madalas na sagot dahil sa sweldo!... Parehas din sa karelasyon, madalas marami kang hinahanap na wala sa karelasyon mo, sana ganito s'ya, sana ganun s'ya, at minsan may mga kaagaw ka rin, pero bakit hindi mo mahiwalayan???... kasi nga sabi mo ... MAHAL MO!!!

Minsan sa trabaho para ka ng alipin, pinagagawa sayo pati yung mga gawaing wala at malayo sa job description mo, ganun din sa karelasyon, minsan iniisip mo kung karelasyon pa ba ang turing n'ya sayo o katulong(maid) na!...

Sa trabaho, madalas kontraktuwal lang, bihira ang nareregular, kapag nagustuhan ka ng employer o agency mo, pagrerenewhin ka ng kontrata, kapag ayaw na sayo, end of contract (endo) ka na... Kapag naman narenew ka, pagbubutihan mo ulit ang trabaho mo, mag-aaspire ka ng mas mataas na posisyon o kahit maregular man lang.  Pero habang nagpapakamatay ka sa pagtatrabaho, may mas sip-sip at nag-uumepal na eeksena sayo, aagawin ang lahat ng pinaghirapan mo, and worst, s'ya ang mapopromote at magiging regular!, dahil sa puntong iyon, s'ya ang apple of the eye ng  boss mo.  Mananatili ka pa rin, nagbabaka sakaling marealize ng boss mo na mali s'ya... pero habang tumatagal at pakiramdam mo pagkatao mo  na ang inaapakan ng bwisit mong employer, magreresign ka na!, balik muna sa pagiging tambay, hoping na makakita ng  mas maayos na trabaho.

Ganun din sa karelasyon, bihira ang pangmatagalan(regularisasyon), mas madalas ang renewal - ang mga away-bating eksena n'yo!, at sa bawal renewal (bati) na nangyayari, pinipilit mong maging mas magaling at mas mahusay, hoping na pangmatagalan  na to! ... Pero along the way, may eeksenang echoserang palakang third party party (ooopps...  hindi yan typo error, party party talaga yan, dahil party party ang karelasyon mo at ang kalaguyo n'ya habang nagtataksil sila behind your beautiful back!) , aagawin ng malanding palaka ang lahat ng pinaghirapan mo! at dahil kumagat na ang iyong karelasyon sa mansanas ni Adan... ooopps... ni Ebang palaka pala!, dadalas ang away-bating eksena n'yo, halos linggo-lingg0 kung hindi man araw-araw ang renewal of contract n'yo, mags0-sorry s'ya at mangangakong hindi na uulit... ikaw naman si tangang maniniwala, pero dahil mahina ang karelasyon mo, paulit-ulit lang din ang eksena n'yo!.. pero kapag sobra na, bibigay ka rin... wala daw gamot sa tanga, pero ang katangahan ay may hangganan!, magpapasa ka na ng resignation letter, ayawan na... lagi na lang ikaw ang taya, sawa ka na! ... papalitan mo na!.  For the meantime, balik ka muna sa pagiging single, tambay ka muna, hoping na 'yung susunod mong makakarelasyon ay pahahalagahan ka na ng totoo.

Hindi daw lahat ng nagtatrabaho ay dahil sa sweldo... kaya pala hindi lahat ng nakikipagrelasyon ay dahil nagmamahal!

Marami mang pinagkaparehas ang karelasyon at trabaho, ang sweldo at pagmamahal... may isang malaking bagay ang pinagkaiba nila... Sa trabaho, ilang beses ka mang magrenew, mag resign at ma-endo, darating ang panahon na kakailanganin at pupwersahin kang magretire... sa ayaw at sa gusto mo!, may ipon ka man o wala!... Pero sa relasyon, pwedeng may resignation, may endo at maraming maraming renewal... pero walang retirement!!! ... dahil ang pention ay hindi sweldo! dahil ang pagmamahal ay hindi kailanman natatapos! dahil walang edad ang pag-ibig! ... dahil sa lahat ng problema at bagyong inyong dadaanan, kapag ito'y nalampasan, hindi ba't masarap pa ring marinig at sabihing... " Mamahalin kita hanggang sa kabilang buhay!!!".

Wednesday, February 2, 2011

Alaala ng Kahapon -part 4 (Katapusan)

Sa pag- akyat ng bus habang patuloy itong umaandar ng mabagal, dinig ko ang litanya ng kunduktor na walang tigil na sinisigaw ang destinasyon ng bus.

At kasabay ng mabagal na pag-usad ng bus... magpapatuloy ang pang-apat at maaring huling parte ng kwentong ito...


     
***

Paulit-ulit ang kwento, pabalik-balik lang, masasayang alaala, mga kwentong magbibigay ngiti sa yong mga labi at mga alaalang maiisip mong... sayang... kung sana maibabalik ko lang ang panahon...


Napaka-sarap balik-balikan ang mga alaala ng high school life...

Mga kwentong buong-buo mong mababalikan, dere-deretso, parang telenovela with no commercial break.

***


Para sakin madali lang naman ikwento ang mga pangyayari sa nakaraan, ang mahirap ang balik-balikan ang mga ito sa utak mo, dahil sa pag-balik mo sa kwento ng nakaraan... kasabay ng pagbalik ng masasayang alaala ay ang pagbulagang muli sayo ng mga kwentong pilit mo nang kinalilimutan, ngunit hindi mo matatakasan.

Bakit ko nga ba ibinabahagi sayo ang aking nakaraan?... siguro may tanong akong gustong masagot... o dahil... gusto ko lang... nasa'yo naman kung gusto mo pang malaman... gusto ko lang ipakilala ang aking sarili... nasa'yo na kung tatanggapin mo... paalala lang, hindi lahat ng mababasa at nabasa mo ay totoo... hindi lahat ng kwento ay tunay na nangyari... ikaw na ang bahalang humusga at umunawa... at bago ko pa makalimutan... maraming maraming salamat...


***

Bitbit ang lahat ng natutunan sa mababang paaralan (kung meron man), Susuungin ko ang buhay sa mataas na paaralan.

High School (para sakin), ang pinakamasayang yugto ng pag-aaral, academically at physically.  Sa panahong ito ko naranasan ang pagiging tao,  may utak... may puso... may body parts...

Dito ko nakilala si ano..., at si ano... muling nakita si ano...

Masaya ang kwentong ito, pero lubhang nakakalito.

***

Ayoko ng 'spotlight', ayoko ng pinag-uusapan, hindi ko gustong tinatawag na matalino (wala namang nagtangka!), pero mas ayoko tawaging 'bobo'.  Nag-aaral ako kapag gusto ko lang... obligado tuwing exam!  Hindi rin ako friendly, pero hindi naman ako palaaway... kaya ang ending iba-iba ang 'closed friend' ko sa bawat level... Sila yung mga taong tinanggap ako bilang 'ako', deadma sa magulong takbo ng utak ko.  Piniling magpaka-abnormal para sa isang autistic na tulad ko.

Sa mataas na paaralang ito ko muling nakita ang anghel na dumedma sa beauty ko nung elementarya ( si Crush).  Wala namang nabago... crush ko sya, pero deadma ako sa kanya...  tuloy ang buhay... hindi naman ako mamamatay kung hindi nya ko ngingitian di ba?... hmmmp

Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sayong may hell sa ibabaw ng simbahan?

Maniwala ka!... hell... as in H, E, L, L...

Iyan ang room namin nung  first year high school ,  agawan sa electric fan, papasok ka ng bagong ligo at uuwi ka din ng bagong ligo!.... sa PAWIS!!!... sobrang init!,  pero sa kabila ng mainit naming sitwasyon, ang seksyon namin ang itinuring na 'overall champion' sa palarong basketball... taob lahat ng level!.. sanay na kasing pagpawisan ang mga klasmeyt ko!

Tatlo ang room sa ibabaw ng simbahan, una... ang tinatawag naming heaven ... malamig dito dahil may malalaking bintana (pero ayon sa isang bubwit... marami daw higad dito!),  ikalawa.. ang purgatoryo... hindi na masyado malamig dito, pero hindi rin naman mainit, ikatlo ang sa amin ang hell ... sa araw-araw na may pasok, dumadaan kami sa heaven, lumalagpas sa purgatoryo at nananatili sa hell... tsk tsk... hindi magandang pangitain di ba?

Dahil nasa catholic school, required sa amin ang umatend ng recollection, 'attendance is a must' ika nga. 

First year... freshman... first time...

Isang buong araw ng pagninilay-nilay, nang pagkilala sa sarili at sa dakilang lumikha.  Isa ito sa araw na gumuho sa isang sagot ko sa tanong na... " ano ang gusto mo paglaki mo?"...

"Pari po"

Bawal nga yata magsinungaling ang pari... hindi man lang bumusina... bigla na lang hinagisan ng bomba ang simbahan ko... wala pang sampung segundo... abo na ang pangarap ko!  Hindi daw ako pwede magpari dahil " babae daw ako!"... (whaaa... descrimination yan father!!!)

Sa puntong iyon ng  buhay ko, hindi lang pangarap ko ang nagiba, pati paniniwala ko na-uga.  Pakiramdam ko kasi, pinaasa n'ya lang ako ,  tapos iniwan ako sa ere .   Sa isang banda, hindi naman n'ya kasalanan kung hindi ako marunong magtanong di ba???
Kung nuon ko pa isinigaw na pangarap ko magpari,  siguro nuon pa ko binato ng sagot na "hindi pwede",  edi sana... hindi na ko umasa... hindi na ko nabigo.

Ok fine, no no no sa pagpapari.  Ito kasi yung isa sa mga bagay na right there and then kailangan tanggapin mo.  May mga pangarap na kapag pinagsumikapan mo... pwedeng makuha mo, pero hindi ito isa sa mga yun. Ito yung tipong kailangan mo mag move-on sa ayaw at sa gusto mo period!

Sumilay ang bagong umaga... patuloy ang buhay... balik sa mainit na paaralan.

Freshman din ako nagsimulang magkainteres sa pagbabasa ng libro (non-academics?... ano ka hilo?!),  paano naman kasi, isa pala ang librarian sa pipirma sa clearance ko bago magbakasyon, at requirement para sa pag-eenroll bilang sophomore.  Hindi ako mahilig pumunta sa library ( bawal kasi maingay dun!). 

Tatlong linggo bago ang bakasyon, isang initiation rite ang pinagdaanan ko.  Sampung pirma... oo sampung pirma ng librarian sa library card ang kailangan ko, para mapirmahan ang clearance ko. 
Tatlong linggo... at sa mga oras na yun... hindi ko pa alam ang itsura ng library card! ( anak ng bookworm!!!)

Ang buong akala ko wala masyadong tao sa library, pero nung mga oras na yun... fiesta ang library sa dami ng estudyane.  Pasok sa loob... iginala ang mga mata... alin... alin... alin ang kukunin kong libro?... Encyclopedia?... 'wag na uy mabigat!... sige hanap...hanap at hanap... yung manipis, kasya sa bag at higit sa lahat... magaan!.  Napadpad ako sa shelves na may nakasulat na novels... nakita si Nancy Drew, kumakaway at nagsasabing " ako na, ako na, ako na ang piiliin mo"... at yun na... si nancy drew ang bitbit ko pauwi sa bahay.

Pag dating sa bahay... sinubukang buksan ang libro, sinubukang basahin ang mga unang salita, ang unang pahina, ikalawa... ikatlo... at hindi ko namalayan... tapos ko na. 

Kinabukasan, pagpasok sa paaralan, ibinalik ko ang unang librong nabasa ko, kinuha ang pangalawa libro para sa pangalawang pirma sa library card, at bago matapos ang tatlong linggo may labindalawang pirma na ang library card ko... oo ... labindalawa!... sinobrahan ko talaga para hindi halata. :)

Totoo ngang may mga bagay na hindi mo maiisip na magugustuhan mo hanggang isang araw...  may isang babatok sayo, at pipilitin kang simulan!

***

Second year... Sophomore...

Wala na ang kamandag ng anghel na dumedma sakin.  Kung sa unang pagkakataon sablay pumana si kupido, ngayon... duling ata!

Hindi ko alam... marami namang pwedeng tamaan... bakit ako pa???!

Isang hapon, paglabas ko ng paaralan, isang announcement ang nakasulat sa isang board na nakabalandra sa court sa labas ng eskwelahan... "Congratulation.... ... ...for... ... ...",  hindi ko alam kung sa pangalan o kung sa pagkakasulat ng pangalan  ako nabighani... "oo,  pangalan lang!"... walang picture, walang ibang detalye... walang kahit ano, at ang mas malupet...

pangalan ng babae yun!...

Ibang klase talaga!... adik yata si kupido, tumira ng katol at ako ... ako... ako ang pinagtripan!!!.  At iyon na ang simula ng paghahanap ko sa nagmamay-ari ng mestiryosang pangalan.  Dumating pa nga sa puntong nilalapitan ko yung board at kinakausap  "kailan kaya kita makikilala?"...

adik! .. adik! ... adik talaga!

Hindi naman ganun kaseryoso yun... (promise!).  Dahil sa kabila ng pagkahumaling sa misteryosang pangalan, isa pang pana ni kupido ang sumagi sa puso ko ng wala manlang paalam... ito ay laan para sa isang transfer student... lalake (daw)... matalino... mabait... at syempre... hmmm... basta matalino.

Magkatabi ang silyang inuupuan namin, sya ang nasa kaliwa ko at pader naman ang nasa kanan ko.  Habang abala s'yang nakikinig at nakatitig sa titser, ako nama'y abala ding nakatitig... sa KANYA! at hindi makapag konsentreyt sa sinasabi ng titser!. 

Sa loob ng isang taong magkatabi kami, bihira kaming magkwentuhan.  Hindi ko alam kung bakit, pero sobrang lakas ng kaba ko kapag kinakausap n'ya ko, na rarattle at nabubulol sa pagsagot sa simpleng tanong n'ya, nakukuryente sa tuwing magdidikit ang balat namin.   

Minsan nga... break time... palabas s'ya ng room at papasok ako,  tinanong n'ya ko... "kumain ka na?"... simple lang naman sana ang sagot (hindi pa, sabay na tayo?), pero dahil isang dangkal at kalahati lang ang pagitan namin at dibdib nya ang nasa harap ng mukha ko, tango lang ang naisagot ko, sabay hakbang pakanan, deretso sa upuan ko... sa loob 'yun ng limang segundo... hayyy... kung tatagal pa kasi ako sa harap n'ya ng dalawang segundo... bibigay na ang tuhod ko!  

Minsan pa nga sinubukan kong tumingin sa mata n'ya habang kinakausap ako... juice ko pong pineapple!!! sa sobrang lakas ng kalabog ng puso ko, akala ko, iiwan na ko nito... at tatalon papunta sa kanya!.

Kaya, kesa naman mas lalo akong mag mukhang tanga sa paningin n'ya,  nakuntento na lang ako na titigan sya, habang abala s'yang nakatitig... sa iba.

Academically... hindi pa rin naman ako nag excel (malabo pa yun sa mata mo!),  pero in fairness, doble effort ako sa pag-aaral, kasi naman di ba... mukha na nga akong tanga sa harap n'ya, syempre hindi ko na hahayaang maging 'bobo' sa paningin n'ya.  Isa pa ,bukod sa kanya pader ang katabi ko,  wala akong pwedeng kopyahan kundi ang kodigo sa utak ko...

Hindi ko maintindihan, pero para s'yang 'yelo'... malamig at nakakapanginig!!!

Siyangapala, bago ko makalimutan... sa part 1, nasabi kong isang bata ang sana'y nagpahaba ng kwento ng pagiging kinder ko... "oo".. wala ng iba, si ICE (yelo... you know?) ang lalaking iyon.   Isang hapon kasi. habang pinipigil ang kaba sa dibdib, habang nakikipag-usap sa kanya, sinabi n'yang magkaklase kami nung kinder,  syempre hindi ko na yun matandaan,  kaya bilang pruweba ipinakita n'ya sakin ang classpicture namin nung kinder... ang best part... magkatabi kami... =) (yahung yahoooo!!!)


***

Third year... Junior... ang masayang parte ng pagiging high school... bukod kasi sa kabisado mo na ang pasikot-sikot ng eskwelahan, pati ugali ng mga guro, guard, janitor at pati mga tauhan sa canteen... ay kilala ka din nila!  Mas malaya ka nang makaikot sa buong campus.
Hindi mo kailangan maging sikat para  kilalanin kang Junior, base lang sa kulay ng ID mo, kahit ikaw pa ang pinaka raw four o pinaka mahiyain sa eskwelahan, siguradong mararamdaman mo ang paggalang ng mga lower level... 

Hindi ko na kaklase si Ice, kaya mas malaya na kong pagmasdan s'ya ng malayo sa kanyang malamig na presensya...  kasabay n'yan ang mas malaya kong paghahanap sa babaeng nagmamay-ari ng misteryosang pangalan na itatago natin sa pangalang 'Mysterya'.

Eleksyon para sa SC(Student Council) nang muli kong mabasa ang pangalan ni Mysterya, tumatakbo s'ya bilang Presidente ng SC (magkapartido sila ni Ice)... 

Hindi na mahirap para sa'kin na makita s'ya dahil kusa n'yang ipinakilala ang sarili n'ya ng minsang mangampanya sila sa loob ng klasrum namin.  

Sa kabutihang palad... nanalo naman sila... 

Halos araw-araw nagpapadala ako ng sulat, tula o simpleng note, sa SCO ( Student Council Office), para kay Mysterya.  Hindi ko alam kung binasa n'ya ang mga yun, pero umasa akong sana... sana lang... kung sakaling nabasa n'ya... ay napangiti ko s'ya...

Nagtago ako sa kodang "AKO".  Hanggang ngayon hindi n'ya alam na ako si 'Ako', at kung sakaling mabasa n'ya ang akdang ito... sana... sana lang ulit... ay hindi s'ya magalit. 

Hindi ako sigurado sa kung anong magiging reaksyon ni Mysterya kapag nabasa n'ya ang kwentong ito,  anu't ano man, sa wakas masasagot na rin ang tanong n'ya kung paanong ang isang Junior ay nagpumilit makipagkilala at makipagkaibigan sa isang Senior na tulad n'ya...

Hindi ako mahilig sumama sa mga camping ( wala na kasi ang ROTC nung panahon namin at Girl  Scout at Boy Scout ang ipinalit, at bahagi ng pagiging GS/BS ang pag-attend sa camping pero hindi naman compulsary).  Nang malaman ko na isa si Mysterya sa magiging bantay sa mga sasama,  kinumbinsi ko ang dalawa kong kaibigan ( ang dalawang taong tumanggap sa pagkatao ko ng buong-buo, no if, no buts, pero with reservation...) na sumama sa camping.  Nagpakumbinsi naman sila at kinunsinti ang out of this world nilang friendship.  

Sa unang gabi ng camping,  habang ang lahat ay naghahanda na para sa pagtulog, abala ako sa paghahanap sa gate na babantayan ni Mysterya... hindi naman ako nahirapan... hila-hila ang dalawang kunsintidor, tinungo namin si Mysterya... nagsimula sa "Hi, di ba ikaw yung presidente ng Student Council?" (as if naman hindi ko pa alam di ba?!!! para-paraan!), magalang naman s'yang sumagot ng "oo, balik na kayo sa kwarto n'yo, bawal na kayo dito sa labas..." (hindi naman n'ya kami tinataboy di ba?)... deadma ako at ipinagpilitan kong ipinakilala ang sarili ko, kunwari wala akong narinig...  Wala na s'yang nagawa kaya nakipagkwentuhan na rin s'ya sa amin... at nang mabusog na ang puso ko sa mga ngiti at boses n'ya... nagpaalam na rin kami at bumalik sa aming lungga...

Sana... hindi nya isiping niloko ko s'ya... dahil sa bawat oras, panahon na nakasama at pinilit makasama s'ya, kahit papaano, naging totoo naman ako sa kanya... natakot lang naman akong sabihin sa kanya ang nararamdaman ko dahil baka iwasan n'ya ko...

At dahil sa takot na yun, kinailangan kong ipakilala sa kanya si Ice bilang 'ang lalaking tinitibok ng aking puso!'... hindi naman ako nagsinungaling di ba???

***
Foundation Day:

Kasali ako sa volleyball team ng section namin (promise! hindi nga lang halata).

Magsisimula na sana ang laro namin nang biglang mag-announce si Titser/DJ na itigil daw muna ang kahit anong ginagawa namin... syempre, dahil inakala naman naming importante ang sasabihin n'ya, sandali kaming tumigil at nakinig...

Gamit ang mikropono, hinanap n'ya si Ice, at sinabing makinig s'yang mabuti dahil para sa kanya ang mensaheng kanyang babasahin...nakasulat sa isang pirasong papel... nagsimulang basahin ni titser/DJ ang mensahe....

"Dear Ice, ... Mayro'n akong nais malaman...maaari bang magtanong?, alam mo bang matagal na kitang iniibig?, matagal na akong naghihintay... Ngunit mayron ka nang ibang minamahal kaya't ako'y di mo pinapansin.
Kung ako ay iyong iibigin, di kailangan ang mangamba pagkat ako ay para mong alipin, Sa'yo lang wala ng iba. Ngunit mayro'n ka ng ibang minamahal, kung kaya't ako'y di mo pinapansin, ngunit ganon pa man nais kong malaman mo ang puso kong ito'y para lang sa 'yo.... nagmamahal, sixteen"

Huli na nang malaman ni Titser/Dj na kanta pala ni Ogie Alcasid ang binasa n'ya... (sayang nag-effort pa naman s'ya ng bonggang-bongga!)


Kantyawan, hiyawan... at nasaan ako???... nasa gitna ng court... pinipilit ngumiti... naiihi...kinakabahan... at taimtim na nananalanging huwag ipagkanulo ng mga kaibigan... sa itsura kasi ni Ice, sa kabila ng ngiti sa kanyang labi, mukang ibabaon n'ya six feet under the ground ang kung sino mang lamang-lupa ang gumawa nun sa kanya!... Dininig naman ang aking dasal at walang sumigaw na ako ang salarin... hayyyy!!!


Natapos ang laro namin at natalo kami ( bad trip)... pero naging daan yun para yakapin ako ni Mysterya at sabihing "Ok lang yan, nice game"... (parang nanalo na rin ako!!!)


PROM... ang huling araw ng Foundation Day.


Ito ang una at huling JS Prom na pagsasaluhan namin ni Mysterya.  Kaya ang goal ko... maisayaw s'ya!


Naghihintay sa hindi dumarating na pagkakataon, nagrerehears sa mga linyang hindi ko alam kung paano ibabato...biglang nag-announce ang DJ na huling set na daw ng kanta ang patutugtugin nila...  Bitbit ang lahat ng lakas ng loob at kapal ng mukha, tinungo ko ang lugar na kinauupuan n'ya, sabay sabi ng "sayaw tayo...".


Hindi naman n'ya ko binigo, tinungo namin ang dance floor na apat na hakbang lang naman ang layo. Pero dahil huling set na ng kanta ang patutugtugin halos lahat ng estudyante nasa dance floor na ata... "sweet ang gusto kong tugtog Mr. DJ!!!"... deadma, disco ang nakasalang... matapos ang unang kanta, naalala ko hindi nga pala ako marunong sumayaw!, kaya nagpa-alam at nagpasalamat na ko sa kanya.


Nang matapos ang huling tugtog sa saliw ng bayang magiliw...este...lupang hinirang pala... hinanap ko si Mysterya para magpakuha sana ng litrato kasama s'ya.  Wala na yata s'ya, kaya ng mapansin kong nakakalat si Ice, s'ya na ang hinila ko... 1...2...3... smiiiillle... (in fairness nung madevelop naka-ngiti naman s'ya... pero... mukha akong bakla!!! whaaa...)


Fourth Year... Senior... 

Medyo malungkot na ang simula ng senior ko dahil wala na dun ang 'Mysterya' ng buhay ko.  Pana-panahon pa rin naman s'yang dumadalaw sa eskwelahan... hindi naman kami ang dinadalaw n'ya... kaya pana-panahon din kaming nagmemeryenda at kumakain ng 'snowball' (crushed ice na kulay pula at matamis) sa tindahang malapit sa bahay n'ya(Misterya)... para madalaw s'ya!!!

Maraming pangyayari ang naganap sa yugtong ito ng buhay ko, akala ko nga hindi na ako makakagraduate...

Sa kalagitnaan ng school year naisipang magpakasal ng adviser namin, kaya kinailangan n'yang magpalit ng apelido...(take two)... kinailangan n'yang iwan kami sa ere at mag-leave...

Isang galing sa ibang planeta ang pumalit sa kanya bilang adviser ng section namin at guro na rin sa Filipino.  Hindi ako sigurado kung mabait talaga s'ya o nagbabait-baitan lang dahil bago s'ya sa paaralang iyon. 

Pinili n'yang mapalapit sa'min sa maling paraan...

Isang makasaysayang hapon ang bumago sa takbo ng buhay ko bilang isang mag-aaral... kung dati rati bahay-eskwelahan(classroom/canteen) lang... naging, bahay-eskwelahan (classroom-canteen at PRINCIPALS OFFICE!!!)

Hindi lang isa o dalawang beses akong pinatawag sa Principals Office para paulit-ulit na pasagutin sa pare-parehas na tanong, para paulit-ulit na isalaysay ang pangyayaring gusto ng kalimutan ng utak ko!.....

     "Pauwi na po ako ng bahay nang tawagin nila ako para sagutan ang isang test paper na binigay ng bago naming adviser (tunay na test paper yun na lalabas sa exam namin bukas!) blah...blah ... blah".

Matapos naming sagutan ang test paper at makumbinsi ang sarili namin na tama na ang mga sagot... next level na... ang ipamahagi ang mga sagot sa aming mga kamag-aral...
Ang usapan sa section lang namin ipapakalat ang sagot at dapat kabisaduhin ang sagot para walang physical evidence!!!... Malupet na sana ang plano... kung lahat sumunod!... ang kaso (KASO TALAGA!!!)... nahuli ang kodigo sa ibang section!!!.

Self preservation... ika nga! kaya ikinanta ng nahulihan kung kanino n'ya nakuha ang kodigo hanggang makabuo na sila ng isang buong orkestra!

Self preservation... kaya nang ikanta kami ng mga sintunado... itinula ko ang aking nobela...

Pwede daw kaming ma-expell dahil sa ginawa namin... hindi ko pa masyado ramdam ang bigat ng nagawa namin, hanggang sa ipatawag ang aming mga magulang...

Tripleng kahihiyan ang nararamdaman ko habang kinakausap ng diciplinarian ang aking ina... kung pwede lang na lamunin na lang ako ng lupa at huwag ng iluwa!

Nagkaroon ng maraming hearing, pana-panahon sa gitna ng klase biglang may susulpot na mensahero at isa-isang ipapatawag kaming mga nasasakdal...

Nang matapos ang deliberasyon ng mga taga-hatol, ibinaba na ang kanilang desisyon... sa unang pagkakataon, ipinatawag kami ng sabay-sabay sa Principals Office...

Inihalintulad nila kami sa manok at ang adviser na nagbigay ng test paper ang palay... palay na daw ang lumapit sa manok kaya natural na tukain... in other words... ligtas na kami... mananatali kami sa paaralan... ngunit hindi ang palay... kinailangan n'yang lisanin ang eskwelahang hindi manlang ata n'ya nalibot...

Pinagbayaran din naman namin ang aming kasalanan sa pinakamaliit na paraan... itlog kami sa exam na yun!!!... Bawi na lang sa periodical exam...

In fairness... itim na tinta pa rin naman ang naisulat sa class record ko para sa grading period na yun!.. ngunit hindi nun matatabunan ang isang panget na karanasan...

Dahil sa pangyayaring iyon, isinilang ang bago at pangatlo naming adviser,  hindi na sya galing sa ibang eskwelahan, (natakot na yata si Madam Principal), matagal na rin s'yang nagtuturo sa sa paaralan na 'yon.  Sa kabutihang palad s'ya na rin ang naging huling adviser ng section namin.

Sa huling pagkakataon... naging klasmeyt ko ulit ang aking knight ang shining armor nung grade VI... deadma lang... hindi na s'ya ang bumubuo ng araw ko, pero pana-panahon pa rin naman n'ya kong napapangiti... lalo na kapag naaalala ko ang araw na iligtas n'ya ang isang bubwit sa isang mabagsik na leon.

Isang tao na lang ang nagpapakumpleto ng araw ko, si... Ice, ang dahilan kung bakit napipilit ko pa rin ang sarili ko na magpabalik-balik sa eskwelahan... s'ya ang nagpapakumpleto, pero hindi s'ya ang kabuan ng araw ko!..... Syempre ang mga kaibigan ko pa rin ang bumubuo ng araw ko.  Walang kwenta ang tuwa at kilig kung wala ang mga kaibigan kong walang sawang nakikinig sa paulit-ulit kong kwento.  Mga kaibigang nand'yan sa lungkot at ligaya... sa hirap at ginhawa!

***

Kung nung Freshman hanggang Junior, isang araw na recollection lang ang pinagdadaanan namin, sa Senior... tatlong araw na!, hindi na recollection... Retreat na!  mahahaba na daw kasi ang mga sungay namin at sumusulpot na pati buntot!

Ang seksyon namin ang pinaka-unang ipinadala sa retreat house, sa isang semenaryo sa kahabaan ng EDSA.  Kami yata kasi ang pinaka suwail na seksyon sa buong  senior level, kami lang kasi ang nagkaroon ng tatlong adviser, nagpatanggal na isang bagong saltang guro, mastermind sa usapin ng leackage, at may kaklaseng hindi na namin makakasabay sa pag-akyat ng entablado dahil sa usapin ng ipinagbabawal na gamot, hindi tulad namin na naihambing sa 'manok' kaya nabigyan ng ikalawang pagkakataon, expulsion ang iginawad sa katabi kong paslit. 

Sinubukan ng mga hindi organisadong mag-aaral na isalba sila, nagpakalat ng signature campaign, ilang buwan na lang kasi... graduation na!,  Ngunit hindi narinig ang boses ng mga kabataan, nanaig ang hustisyang alam at batas na sinusunod ng mga taong simbahan na nagpapatakbo ng paaralan.

(Balik tayo sa retreat house)...

Pagdating sa retreat house, sinalubong kami ng masasayang ngiti ng mga facilitator... tapos hinoldap kami!... ilabas daw namin ang lahat ng bagay na maaring makapagbigay ng oras... kinulekta ang mga relo, alarm clock at kung ano-ano pa, kung pwede lang nilang itago ang araw, siguro ginawa na nila... at dahil hindi pwedeng itago ang araw... kami ang ikinulong nila... walang outdoor activity kapag nakangiti ang haring araw!

Kakain kami sa oras na gusto nila kaming pakainin, ang matitirang pagkain ay ihahaing muli sa susunod na kainan sa anyo naman ng ibang putahe, pero halata pa rin!.  Marami daw kasing mga batang hindi kumakain... kaya naisip namin na para hindi kami hainan ng "recycle food" kailangang ubusin ang nakahain!!!... marami pa ring tira!!!

Puro sadista yata ang mga facilitator na  napunta sa amin, wala silang awa, wala silang ginawa kundi paiyakin kami, ang goal yata ng bawat speaker ay ubusin ang lahat ng tubig sa aming katawan!

Ngunit sa bawat pag-iyak, lumuluwag ang aming paghinga, ang bawat butil ng luha ay tila blade na humihiwa sa mga taling nakabalot sa aming isip, parang asido na tumutunaw sa galit sa aming puso... nagreresulta sa pagkakaroon ng mas malawak na pang-unawa, ng mas malayang puso na handang tumanggap at magpatawad, magmahal at umintindi.

Dumarating sa puntong parang wala ka ng mailuluha, ngunit ang bawat salita ay parang bombang pilit na tumatagos sa'yong puso, duon sasabog at dudurugin ang buo mong pagkatao na magreresulta sa pag-buo mo sa bagong 'ikaw'... mas malaya... mas may malinaw at bagong pag-asa... mas malakas para humarap sa bawat bukas at pagsubok, dahil alam mo ng hindi ka nag-iisa!

Matapos ang tatlong araw, nagbalik kami sa paaralan na tikom ang bibig sa kung ano mang naganap sa retreat house, bawal daw kasing malaman ng mga hindi pa nakakapunta.

Ilang araw matapos makarating at makabalik ang bawat seksyon sa retreat, dumalaw sa amin ang mga 'sadistang facilitator' (joke..joke..joke!)... masasayang kwentuhan na natuloy sa mas mahabang pagkikipagkaibigan... pangarap ko kasing magkaroon ng kuya, at dahil biologically speaking hindi na 'yon pwede , marahil 'sila' ang ibinigay ng maykapal... kapalit siguro ng gumuho kong pangarap nung freshman.

***

Sa retreat nasabi ni kuya Nazir ... "kapag nagmahal ka, dapat handa ka masaktan"... naisip ko ... sana, kapag wala kang karapatan, huwag mo na lang maramdaman!

Ganun ba talaga?, kapag minahal mo ang isang tao binibigyan mo na rin s'ya ng karapatan para saktan ka?!?

May girlfriend na daw si Ice...alam ko wala akong karapatan... pero... masakit kaya!!!... pakiramdam ko idiin ni kupido ang pana sa puso ko.  Pilit kong isinasaksak sa isip ko na wala akong karapatan, pero sa pagkakataong 'yun, hindi yata kinikilala ng utak ko ang patakaran sa pagkakaroon ng karapatan...  desidido s'yang iparamdam sa akin ang sakin sa tuwing makakasalubong ko silang magkahawak -kamay, sa tuwing makikitang masaya s'ya kasama ang babaeng pinili n'yang mahalin!

Huminto ba ang tibok ng puso ko???

Sana... sana huminto na lang... kaso hindi... patuloy pa rin itong tumitibok at nasasaktan.   Naisip ko, kung sinabi ko kaya sa kanya ang nararamdaman ko, ako kaya ang kasama n'ya? kamay ko kaya ang hawak-hawak n'ya?... paulit-ulit din ang sagot sa utak ko... "hindi siguro"... hindi nga yata n'ya alam na estudyante pa rin ako sa paaralang iyon...

***

Foundation Week... nanaman... wala ako masyado maalala... nagkulong lang yata ako sa loob ng room para hindi ko makita si Ice, o kaya nakakalat lang ako kung saan saan... sa lugar na hindi ako masyado masasaktan...

JS Prom... as usual... ang huling araw ng foundation week... kung hindi lang ako na-assign sa food committee (mukha daw kasi akong katulong) ng seksyon namin baka hindi na ako nagpunta... pero sa isang banda ayoko rin namang makinig na lang sa kwentuhan nila tungkol sa nangyari sa prom at pagsisihan ko sa huli!.  Malay ko... malay ko lang.. iabot sakin ng langit ang pagkakataong maisayaw s'ya... kaso hindi yata talaga inaabot lang iyon, ginagawan iyon ng sariling pagkakataon... muntikan na kong maglatag ng banig... kaya nang iannounce ng DJ na huling kanta na ang patutugtugin nila, pakiramdam ko singkwenta anyos na ko!

Dahil graduating na... mas maaga kami kumuha ng final exam, at ang mga sumunod at nalalabing araw namin sa paaralan ay ginugol para sa pagpapraktis ng martsa sa loob ng simbahan... "oo" sa loob ulit ng simbahan,( ito rin ang simbahang pinagdausan ng graduation ko nung kinder), gaganapin ang pinaka makasaysayang graduation sa buhay ko.

Habang pinabibilis ng mundo ang pag-ikot nito sa araw para sa itinakdang pagtatapos, pilit ko namang inaapakan ang preno ng buhay...  Ngunit sadyang 'di papipigil ang naghihintay na katapusan!

Dalawa ang naging validictorian sa batch namin, at sa totoong buhay,  masaya na silang nagsasama  bilang mag-asawa ngayon...


Ni-lipsing ko ang Alma Matter hym, dahil na rin sa boses ipis daw ako sabi ng  isang titser ko... hindi ako isa sa umiyak ng kantahin ang "Minsan" ng Eraserheads... lumilipad na ang utak ko ng banggitin ng Principal ang mga katagang "... I now declare you the graduates of..." nagliparan ang graduation cap kahit na pinagbawalan na kaming gawin iyon!, nagulat pa ko ng muntik ako tamaan ng graduation cap ng katabi ko, dun lang ulit nakabalik ang utak ko sa ulo ko, huli man daw at magaling... huli pa rin... inihagis ko din sa ere ang graduation cap ko... muntik ko pang hindi masalo!


Iyon ang huling araw na nakita ko si Ice, huling araw na nakita ko s'ya ng personal...


Personal kasi pana-panahon ko s'yang nikikita sa aking mga panaginip, bahagi ng mga gabing hindi ko iniisip na darating... Minsan naisip ko baka may malubha s'yang sakit o kaya baka... baka... baka kinuha na s'ya ni Lord (katok katok sa kahoy!!!)... Hindi naman pala... nito lang nakita ko na buhay na buhay naman s'ya , malakas at masaya (sa isang networking site)...  salamat naman... :)


***


At sa walang hanggang pagtatapos ay ang wala ding hanggang pagsisimula...


College...


Sa unang taon ko sa Unibersidad na aking pinasukan, maniniwala wala ka bang Deans Lister (DL) ako?! (...ako din hindi eh!),  sa  first sem ng kursong hindi ko naman talaga gustong kunin... late enrollee kasi ako at ang kursong iyon na lang ang bukas para sa mga nag-eenroll...


Sa una, natutuwa lang akong mabasa ang pangalan ko sa board ng DL, hindi naman kasi ako naniniwalang ako yun! Pero makalipas ang dalawang linggo ng second sem, napilit na rin ako ng mga kaibigan ko ng alamin na kung ako nga ba ang nagmamay-ari ng pangalang iyon...


Pagpasok namin sa bukas na opisina, isang maganda, maputi, hanggang baywang ang buhok na parang pinarebond pa, ang lumapit samin,  at nag tanong kung anong sadya namin duon... parang gusto ko nang umatras at tumakbo palabas ng pinto, ayoko mapahiya... bahala na... kahit kinakabahan, palabiro kong tinanong ang babae ng "miss, yun po bang mga pangalang nakapaskil sa labas, mga pumasok ba talaga yun sa DL?, o pangalan yun ng wanted dito sa  Unibersidad?"... ngumiti sya at lumitaw ang puti at pantay-pantay n'yang ngipin... may dimple din pala sya sa kaliwang pisngi, sabay tanong ng "bakit?"... lalo tuloy lumakas ang tibok ng puso ko!!!... sumagot naman ako ng "kapangalan ko yata kasi yung isa dun...:)"... madali naman n'yang na-pickup ang gusto kong sabihin... hiniram n'ya ang ID ko, dahan-dahan ko namang inabot yun sa malambot n'yang kamay... sandali lang daw at titignan n'ya... sa isip ko "kahit tagalan mo pa!"... ibinalik ng magandang babae ang ID ko kasama ng  isang long brown enveloped... syempre alam na!!!... wala na ngang iba... ako na nga!... nakahinga na ko ng maluwag... nagpasalamat na kami sa kanya at sa sobrang saya nakalimutan kong tinititigan ko nga pala sya... pag-labas ng office, dumiretso ako sa deans office at nagpa-upgrade ng kurso, tinanggap naman ng dean...


Tatlo kaming laging magkakasama sa kahit saan at kahit ano (Ako, si Edna at si Dina)... nagparegister kami sa iba't-ibang organisasyon na kahit yata minsan wala kaming dinaluhang pagpupulong.


Sa ikalawang taon sa Unibersidad, sumali kami sa isang organisanyong hindi ligal na kinikilala ng unibersidad, kaya illegal kaming nag-oorganisa ng mga estudyante, nakikipaglaban para sa kapakanan ng mga guro at kapwa mag-aaral, sa loob at labas ng unibersidad.


Naranasan ko ring makipamuhay sa picket line ng mga simpleng manggagawang pilit na nakikipaglaban para sa kanilang simpleng mga karapatan.


Hindi ko malilimutan ng minsan, sa isang picket line ng isang eliganteng hotel sa Maynila, habang ang ilang manggagawa ay nagpapahinga, at ang iba nama'y matiwasay na nagpapahayang ng kanilang mga saloobin, bigla kaming pinaulanan ng mga batong nanggagaling sa hindi ko masabing parte ng hotel, madilim kasi, pero napakaraming bato, buti na lang at nakatakbo kami, basag ang mga salamin ng mga nananahimik na kotseng nakaparada duon... matapos ang higit sa sampung minutong unos, maingay ang paligid sa tunog ng alarm ng mga sasakyang nayanig sa pangyayari, marami rin sa manggagawa at kabataang nanduon ang nasaktan at isinakay sa ambulansyang mabuti na lang na napadaan duon, hindi naman ako nasaktan o nagalusan man lang... mabuti na lang...

Nakisali at nakisama rin ako sa mga rally sa tapat ng Malacanang, sa Mendiola, sa Senado, at sa US Embassy... May picture na rin ako na nalathala sa ilang sikat na dyaryo, hindi mo nga lang masasabing ako yun dahil may suot kaming maskara... Nakinig... Nag-aral... Namulat...

Sa kabila ng extra activities ko sa loob at labas ng Unibersidad, hindi ko naman gaanong napabayaan ang aking mga grado, sa katunayan... Sa ikatlong taon ko sa Unibersidad, ay pinasok ko na ang pulitika... tumakbo kami ni Edna bilang CSG o College Student Goverment... nag-room to room, nagpakilala, naglatag ng plataporma, sumagot sa mga tanong ng mga estudyanteng sumusubok sa aming kakayanan at talas ng dila...Nagkalat ang mga pangalan namin sa bawat sulok ng Unibersidad... gabi-gabing puyat, miting dito miting duon, plano...plano...plano... gawa... gawa...gawa...

Dumating ang araw ng paghuhukom... eleksyon day!!!...

Matapos ang ilang oras na paghihintay... na parang ilang taon... maliwanag ang araw na sumikat sa amin ni Edna... ikatlo ako sa nakakuha ng may pinakamataas na boto... hindi ako makapaniwala... SALAMAT sa lahat ng nagtiwala!
Sa kabuuan... sa Minority Group napunta ang partidong (KAMAO) aking kinabibilangan, nakakatuwang isipin na ako...ako...ako ang ibinoto ng mga kapartido ko para tumayong Minority Leader nila...

Nakakatuwa... nakakatawa... wala naman kasi akong alam... si Edna... oo... si Edna, s'ya talaga ang dahilan ng lahat ng yan!... ang pagkikilahok ko sa eleksyon... ang pagkakamulat ko sa mundong kinabibilangan ng mga lumalabang mag-aaral, manggagawa, guro, maralita, ang lumalabang masa upang patuloy na protektahan ang ating mga karapatan!

Sa pang-apat na taon... hindi na 'ko estudyante ng Unibersidad... hindi na rin estudyante ng kilusan... May mga tanong sa parteng ito ng buhay ko na wala pa ring sagot mga pangyayaring maaring hindi n'yo na malaman...

Enrollment nuon nang mapatunayan kong isang linggo na akong buntis... pinili ko ang siyam na buwang kurso ng pagdadalang-tao, may siguradong diploma! ... Sabi ng tatay ko matalino daw ako pero bobo (sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa)...

Hindi ko naisip na pwede ko naman palang pagsabayin... hindi ko naisip... hindi ako nag-isip... kaya hindi ko nagawa...

Hindi na ko nakabalik sa Unibersidad, pero kumuha ako ng alternative/vocational course... Iridology... pero nung mamatay ang isa sa naging pasyente ko, hindi na ulit ako sumilip ng  mata!... hindi ko naman daw kasalanan yun (alam ko naman yun!) pero natakot na siguro ako!

Hinarap ko na ang buhay may-asawa, biniyayaan ng dalawang makukulit na supling... masaya... mahirap... pero di ba... hindi naman na babalik ang kahapon... ngunit magpapatuloy ang ngayon... para sa naghihintay na bukas!!!


At sa bawat bukas na darating... ang bawat ngayon... ay magiging ALAALA NG KAHAPON...

At tulad din ngayon, pasahero man akong matatawag sa sinasakyan kong bus... ako pa rin ang magdedesisyon kung saan ako patungo at bababa... at sasabihing...

"Manong sa tabi na lang po...


Grabe po ang trapik!!!...


Salamat po"


***Katapusan***

 

Wednesday, January 19, 2011

Nasaan Ang Happily Ever After?

Ang fairytale nagsisimula sa..... "once upon a time...." at nagtatapos sa..... " ...and they live happily ever after.."

Pero ang totoong buhay nagsisimula..... pagkatapos ng  "and they live happily ever after!"

Kapag akala mo tapos na ang mga problema, wala na o sumuko na ang mga bad witches,  kapag masaya na ang mga dwarfs..... pero,  akala mo lang yun!

Dahil sa totoo lang dito pa lang tunay na magigising si sleeping beauty, dito pa lang nya malalasahan ang pait ng halik  ng kanyang prinsipe.  

Na ang mansanas na inakala nyang lason ay sya pa lang drogang lumalango sa kanyang pantasya!

At mula sa kanyang pagkakahimbing,  gigisnan nya ang buhay na puno ng pagtataka, ng mga tanong na parang walang kasagutan..... ang kanyang prinsipe ay hindi na nya kilala..... ang dating pantasya ay nagiging  bangungot na!

Hindi sukatan kung gaano kahaba o katagal na ang inyong pinagsamahan,  dahil ang tao ay nagbabago!, isa sa batas at aspeto ng buhay, hindi maiiwasan, mas lalong hindi mo mapipigilan!

Pero, kailan ba dapat sabihin ang mga salitang " mahal kita " o " mahal din kita " ?

Mula sa kantang 'kapag sinabi ko sayo' ni Gary Granada.....

dapat siguro.....

Kapag sinabi sayong ika'y minamahal (o bago mo sabihing mahal mo sya), sana..... nauunawaan mong isa s'yang mortal, na hindi nya kayang abutin ang mga bituin at buwan (unless astraunot sya!), at hindi nya kayang sisirin perlas ng karagatan (unless pearl diver talaga sya!).

At kapag sinabi nya sayong ikay iniibig (o bago mo sabihing iniibig mo sya),  sana..... nauunawan mong sya ay taga-daigdig (tao sya! tao!, hindi isang fictional superhero sa paborito mong libro!), hindi nya matitiyak na  kapag sya ang kapiling mo, kailanma'y di ka iiyak (asa ka pa!).

Ang magandang bukas ay pipilitin nyong abutin, ngunit kung hindi pa daw maganap, sana..... 'wag  mong ikalungkot!

Kapag sinabi sayong ikay sinusuyo ( o bago mo sabihing sinusuyo mo sya), sana..... ibigin mo sya kasama ng kanyang mundo (including his/her darkest secrets... underarm, singit, etc....., kinamulatan, kinalakihan, kinasadlakan..... no ifs, no buts!).

Kaya..... asahan mo, kapag sinabi ko sayong "mahal kita"..... makakasiguro kang alam kong hindi ako si Angel Locsin..... at hindi ikaw si John lloyd Cruz.....

Baka sakali..... malay mo..... ang ending ng istorya ko ay maging..... "and they live happily ever after."

-The End-

Saturday, August 7, 2010

Mga Banat ni Aaron kay Jovy -part 3 ( SILA NA!!!)

Sa hinaba-haba nga naman ng prusisyon sa "OO" pa rin ang tuloy...

Sino nga ba naman ang hindi mapapa-oo sa mala-teenager na banat  nitong si Aaron kay Jovy...


Marahil naawa na 'tong si Jovy, napansin siguro n'yang nauubusan na ng mga one-liner na banat itong si Aaron, pahaba na kasi ng pahaba ang mga linya nya... parang ganito...

*  we all search for love because it is the closest thing to magic, and when i found you, i thought that nothing  could compare.  That is why whatever may happen you must have faith in that one person, and never let go of your true feeling.

at ganito.....


*  kung iniwan ka nya, don't hope and wait for that person to come back... feel good about yourself and say ... "next please, mahaba ang pila"...


at ganito pa...


*  kung isang araw magising ka at maisip mong nag-iisa ka't walang kasama... matulog ka ulit... baka naiwan lang ako sa panaginip mo, dahil hanggat nandito ako hindi ka mag-iisa.


*  we don't lose special people as long as we hold them in our hearts. I hope you'll always hold me in yours, just the way i'm holding you in mine.


*  Pag nag mahal ka, be contented.  'Wag ka maghanap ng bagay na wala sa kanya... ' wag mo s'ya icocompare sa iba ... kasi mas masarap magmahal ng kuntento, kahit 'di kumpleto, kesa... kumpleto nga... 'di naman totoo!

*  Relation can never be perfect.  You can never force your partner to be faithful in the same way that a normal relationship should be.  Whats important, is at the end of the day, you find each other side by side and your happy knowing that he/she's yours... We need to enjoy the relationship while its there, 'coz if you waste your time in doubts & insecurities you'll never appreciate how wonderful it is to 'Fall In Love.'..

*  we may love the wrong person, cry for the wrong reason, but no matter how things go wrong, one thing is sure... mistakes help us find the right person for a good reason...




Katulad ng aking nabanggit sa part 1 ng kwentong ito... hindi ko personal na kilala si Aaron, pero kilala ko si Jovy...

Minsan na rin akong naging saksi sa kwento ng kanyang nagdaang pag-ibig(???)... kinilig sa ilang mga kwento... nagpayo sa ilang sensored na bagay... at nakinig sa walang patid n'yang pagluha, yung tipong nauuna at pinapagitnaan ng iyak at hikbi ang bawat salitang gusto n'yang sabihin... nakisali sa "Tama na, Hiwalayan na,Katangahan na yan" movement...

Sino makakapagsabing makakapag 'move-on' na din sya sa wakas... para bigyan ang sarili nya ng pagkakataong muling magmahal at mahalin ng totoo... kiliging muli sa mga simpleng kwento ng 'chuckie choco burst' ... Bumuo ng panibagong kwento ng 'pag-ibig'...kasama ng mga kwento ng bagong pagseselosan... bagong kwento ng di pagkakaunawaan...bagong kwento ng iiyakan... kasabay ng pag-asang, ito'y pangmatagalan na... kung pwedeng pang-habambuhay... o kung meron man...pang-walanghanggan.

.....

Sinong makakalimot sa mala-teenager at walang kupas na banat nitong si Aaron para kay Jovy... sinubaybayan at kinakiligan ng mga fanatics... Pero walang sinabi yan sa simple pero rock na banat nitong si Jovy...tatlong salita, limang pantig  at labing apat na letra na nagpabago sa mundo ng dalawang tao at pananaw ng sanlibong tagasubaybay...

*  Jovy Loves Aaron*...

Binasa ko ulit... hindi nagbago... SILA NA NGA!!!

Worldwide coverage... no commercial break... lahat nakatutok... umuulan ng "congratulation"...

Isa ako sa naghagis ng confetti... nakipalakpak... standing obation ... naghintay sa pagsara ng telon.

At sa pagtatapos ng unang yugto ng kanilang kwento hayaan n'yong ako ang bumigkas ng huling linya...

..... AND THEY LIVED HAPPILY EVER AFTER...

THE END