Thursday, June 24, 2010

Mga banat ni Aaron kay Jovy

Hindi ko personal na kilala si Aaron.


OO kilala ko si Jovy.
 
Isa lang ako sa masugid na tagasubaybay, kung meron o wala nga bang patutunguhan ang mala-teenager na banat nitong si Aaron kay Jovy.

Hindi ako sigurado kung si Aaron ang ligal na may akda ng mga sumusunod na linya.  Pero kung ikaw si Jovy, hindi ka ba mahuhulog sa mga linyang kagaya nito:   ???

Eto na...


     Hindi ko naman pinipilit na maging akin ka...Ang akin lang, maging sa'yo ako!!!!


     nagreview ka na ba? kasi mamaya pasasagutin na kita!!! =)


     Grabe ang dami na ng mga pick up lines ngayon...Wala na nga ako maisip na iba kundi IKAW!!! =)


     lumiliit ka yata? dati hanggang ulo kita ngayon nasa puso na kita!!! =)


     Are you a dictionary? Because you give meaning to my life!!! =)


     i wish i was your tears, so i could be born in your eyes, run down on your cheeks, and die on your lips!!!


     bato bato sa ilog aking nadudurog, puso mo pa kaya hindi ko mapatibok.....


     can you recommend a good bank? co'z im planning to save all my love for you...


Hindi ka ba nalulungkot, baby? Nag-iisa ka lang kasi sa puso ko eh!!!!


     Sana driver na lang kita para ikaw na ang magpapatakbo ng buhay ko....


     If you could be a part of my body, I want you to be my heart because I want you to be the center of all my emotions and be the last to beat when i'm gone!!

kulang pa yan.... sa susunod na yung iba...

Tuesday, June 8, 2010

Alaala ng kahapon -3 (Elementary part2)

Maganda ang palabas ngayon sa bus,  ilang lingo pa lang  itong naipapalabas sa sinehan, si Jakie Chan ang bida,  sayang hindi ko nasimulan.  Trapik ngayon, long weekend kasi.  Mabagal ang usad  ng bus, pero mabibilis ang mga letrang naglalaro sa aking munting kaisipan....


Matatapos na ang bakasyon...  Masama pa rin ang loob ko...  pakiramdam ko pinamigay ko si Jesus bago pa man sumapit ang kanyang kaarawan.  Tama nga si titser 'Iglesya' nga ako! (bago po kayo mag-react paki basa lang po muna ang Alaala ng kahapon-2 elementary). 

Pasukan na ulit... Maugong ang balitang may isang batang babae daw ang di umano'y sumama sa isang di kilalang lalake at natagpuang na lang na nakahandusay sa talahibang malapit sa aming paaralan.  Paulit-ulit din ang paalala ni titser sa amin na huwag kaming makikipag-usap sa mga taong hindi namin kilala, at mas lalong huwag kaming sasama sa kanila. 

Naubos ang lahat ng oras para sa buong araw sa paksang iyon,  ngunit ayaw naman nilang pangalanan kung sino ang batang tinutukoy nila.  Hindi naman talaga ako interesado sa pinag-uusapan nila.  May plano na kasi ako para mabawi si Jesus.

Absent ang pinagbigyan ni titser sa nakuha kong imahe ni Jesus.  Malapit lang naman ang bahay nila sa eskwelahan kaya naisip kong puntahan na lang sya sa bahay nila,  hindi rin naman ako maiiwan ng service dahil mas maaga ang uwian namin sa mga grade-VI na hinihintay din ng service,  hindi rin naman ako magtatagal,  babawiin ko lang si Jesus...

Bitbit ang singkwenta pesos na bahagi ng nakuha ko nang nagdaang pasko, dumiretsko ako sa bahay nila.  Apartment type ang tinitirahan nila, pangatlo at dulong bahay ang sa kanila.  Sakto, nasa labas ang nanay nya, kaso ayaw daw lumabas ng kaklase ko, ayaw daw makipag-usap kahit kanino.  Sumilip ako sa loob ng bahay, sa may dingding napansin kong nakasabit si Jesus,  nalungkot ako...

Paalis na sana ko ng  biglang lumabas si lanie ( di nya tunay na pangalan... promise!), matamlay sya, mukang may sakit, halatang hirap sya mag-salita, hindi ko madiscribe yung itsura nya, hmmm.. basta nakakaawa... Nakatitig lang ako sa kanya,  pinaupo nya ko, ngumiti sya ng bahagya, nagpasalamat at napadalaw daw ako,  baka hindi na daw sya papasok ulit, nahihiya daw kasi sya ... lahat daw ng tao sa school alam na na-rape sya... (Huh!?! rape??? ano daw??? teka muna.. ano ba sinasabi mo? pumunta lang ako dito para bawiin si Jesus, wala akong sinasabing na rape ka! ), wala nga daw syang maalala sa mga nangyari eh, basta may mamang nakipag-usap sa kanya nagpapasama sa bahay para magpatulong tapos ayun paggising nya, nandun na sya sa talahiban.  Hindi pa rin ako makapagsalita.   Nakatitig pa rin ako sa kanya, wala ni isa mang salita na nasa utak ko ang nasambit ng bibig ko, tikom ito ...  nakikisama.  Sandali pa at nag-paalam na din ako, baka maiwan na kasi ako ng service,  bago ako makatayo napansin ko ulit si Jesus na nakasabit sa dingding nila, wala na ang kagustuhan kong mabawi s'ya, alam kong mas kailangan s'ya nito sa mga oras na yun.

Iyon ang huling pagkikita namin ni Jesus at ni Lanie, balita ko umuwi na sila ng probinsya at duon na sya magpapatuloy ng pag-aaral.

Walang nakakaalam na nakausap ko ang batang minsang pinagtsismisan sa loob ng paaralan.  Ngayon pa lang...

Isang beses pa ng katangahan tungkol sa relihiyon:  Sa araw ng huling klase ng grade two, syempre puro kwentuhan na lang, dalawa sa klasmeyt ko ang nag-aaway dahil sa magkaiba nilang paniniwala sa Diyos.  Iisang parte lang ng pagtatalo nila ang naaalala ko.  Sabi ng isa kong klasmeyt, galit na sya:

 "yung Diyos nyo pag- nilagay sa tubig lumulubog, yung Diyos naming mga Iglesya ay buhay, pag inilagay sa tubig, lumulutang." 

Hindi ko alam kung saan nya nakuha ang pagkukumparang iyan pero sa totoo lang  nung panahon na yun, natuwa ako...  may Diyos din naman pala ang mga salbahe (teka muna ulit... basahin ang alaala ng kahapon 2 elementary), at take note 'buhay' at lumulutang pa sa tubig.

Ang katapusan ng grade two ang katapusan ng kamangmangan ko sa relihiyon. Pag-pasok ko kasi ng ikatlong baitang, natuto na akong makinig sa mga guro, kahit sa raw four ako nakaupo.  
Sa ganitong edad ko rin naranahasan ang itinuturing kong pinaka nakakahiyang pangyayari sa buhay ko.  Dahil sa mababang paaralan ako nag-aaral, normal lang na pinaglalaba ng basahan ang mga estudyante. 

Isang araw ako ang nautusang paglabahin ni titser ng basahan.  Wala namang nakakahiya sa paglalaba, wala naman kasing nakakakita sakin habang ginagawa ko yun.  Ang nakakahiyang parte ay nung ibabalik ko na sa room ang bagong banlaw na basahan sa paa (ito yung klase ng basahan na nasa labas ng pinto bago ka pumasok).  Papasok na ko ng room, i-aabot ko sana kay titser yung basahan, kaso pinigilan nya kong pumasok dahil tumutulo yung hawak ko.  Sinabihan nya kong  isampay ko daw ang basahan,  tingin sa kanan... tingin sa kaliwa... tingin sa likuran... wala akong makitang sampayan... tumingin ako kay titser at umiling.  May itinuturo sya sa likuran ko... hmmm... sa maninipis na tubo at bakal gawa ang  bakod ng hallway ng paaralan pero wala naman akong nakikitang basahan o kahit ano na nakasampay duon.  Kaya umikot ako sa kabilang bahagi ng bakal na bakod nagbabakasakaling nanduon ang itinuturo ni titser... wala... nakita ako ni titser sinigawan ako, ano daw ginagawa ko dun, bumalik daw ako... bumalik naman ako, lalong nanlaki ang mata nya ng sa pag-balik ko hawak ko pa rin ang basang basahan.  Isampay ko daw, umiling ako at sumenyas na walang sampayan, itinuro nanaman nya ang kung anong mang meron sa likuran ko, umiling ako... sinabi kong wala ngang sampayan sa likuran ko, sabi nya "jan... jan... jan mo isampay" tumingin ulit ako sa likod baka sakaling lumitaw na ang mahiwagang si janjan... wala pa din.  Galit na sya, mangiyak ngiyak na ko at kulubot na ang mga daliri ko. Lumabas sya ng klasroom at itinuro ang rehas, dun ko daw isampay.  Pagpasok namin ng klasroom nakatigin sakin lahat ng kaklase ko (di ko man yun nakikita, nararamdaman ko naman).  Simula nun hindi na ulit ako naglaba ng kahit na anong basahan ng titser ko.

Iyan lang ang naaalala ko sa grade three, ang basahan at si janjan(rehas na bakal).  Pagpasok ng Ika-apat na baitang, nabura na sa mga alaala ng mga kaklase ko ang di ko malilimutang kahihiyan. 

Unang araw ng klase bilang grade four,  sa huling bahagi ng raw one ako nakaupo, biglang pumasok ang guro sa kabilang room, nagtawag ng pangalan, isa ako sa mga natawag, natawag din si Angie kaso absent sya.  Lahat ng natawag ay pinalipat sa kabilang section (kung section 6 ka, magiging section 5 ka na).  Iyon  na rin ang naging daan sa pagkakahiwalay namin ng landas ni Angie.  Kinabukasan pag-pasok ko hindi na ako ang bespren nya duon... Hindi naman ako nakahanap ng kapalit nya bilang bespren sa eskwelahan, pero naging masaya na rin ako, kasi kahit saang grupo, pwede ako, lahat sa kanila kaibigan ko, kumbaga neutral ako, walang kinikilingan, walang pinapanigan, sebisyong totoo lamang...

Sa panahon ding ito nangyari ang lindol na hindi ko makakalimutan, kahit magka-amnesia ako...

Malapit na ang uwian, nag-aayos na ako ng gamit ng biglang may lalaking tumatakbo sa labas at sumisigaw ng " lumilindol... lumilindol ..."

Wala daw magpapanic sabi ni titser, pero hindi na nya malaman kung ano ang gagawin, kung ano ang uunahin, palalabasin ba nya kami ng room o magdadasal na lang kami sa loob ng room o pagtataguin sa kung saan mang pwedeng pagtaguan.   Sa huli pinapila at pinalabas din nya kami.  Hindi nasunod ang pila, sa itsura kasi ni titser katapusan na namin.  Sabay-sabay nagtayuan at nagtakbuhan sa pintuan.  Ako ang pinaka-huling nakalabas ng pinto, binalikan ko pa kasi ang baunan ko.  Sa quadrangle tinipon ang lahat ng mag-aaral, 7.5magnitude, ramdam na ramdam mo ang pag duyan ng mundo!.

Sa quadrangle ko naalala na may kapatid nga pala akong duon din nag-aaral ng grade two.  Nasa kabilang building ang classroom nila, sinubukan ko syang hanapin sa quadrangle... pero wala ako makitang grade two duon.  Wala daw munang aalis sa pwesto hanggat hindi sinasabi ni titser pero wala akong paki-alaman, umalis ako at tinungo ang classroom ng kapatid ko... after shock... nagsigawan ang mga nasa quadrangle habang tuloy-tuloy lang ako sa paglalakad, ilang segundo lang naman ang ugoy... deadma lang... narating ko rin ang classroom nila, laking gulat ko ng makita kong nasa loob silang lahat ng classroom naka-upo lang, deadma din sa lindol na umuugoy sa buong Luzon.  Nilapitan ko si titser at sinabing sinusundo ko na ang kapatid ko, sinabi ko na din kay titser na pinapupunta ang lahat ng estudyante at mga guro sa quadrangle para duon muna mamalagi.  Pinayagan naman nya akong bitbitin na ang kapatid ko habang naghahanda silang pumunta sa quadrangle.  Pagbalik ko sa quadrangle kasama ko na ang kapatid ko, dumeretso kami sa section ko, hindi naman yata napansin ni titser na nawala ako, kasi nawawala din sya.  Sandali pa ay pinauwi na rin kami, mabuti na lang at maaga din sumundo ang service namin,  salamat na lang at matibay-tibay pa ang aming eskwelahan, wala masyadong damage.

Ika-anim na baitang... hindi po ako nagmamadali grumaduate, wala lang talaga ako maalala nung grade five ako, wala na rin ang classpicture ko o kahit anong pwedeng magpaalala sakin sa yugtong iyon ng buhay ko. Kaya sa ika-anim na baitang tayo mag-kwentuhan.

Sa yugtong ito ng kamulatan ko nakilala si kupido na sablay na pumana sa nananahimik kong puso. 

Subject: Science
Topic: Stone

Nagsimula sa recitation ang klase, tanong si titser pili ng sasagot sa klase... tinawag ako, hindi naman ako nagtataas ng kamay ah, absent kasi ako kahapon kaya wala akong kaalam-alam sa paksang tinalakay nila.  Wala din ako sa tama kong upuan, hindi ko maalala ang dahilan, nasa raw two ako pinaka huling upuan na pang-dalawahan, samantalang dapat nasa raw one ako pang-huling upuan din.  Hindi ko alam kung saan umupo yung dapat na nasa inuupuan ko at saan umupo yung dapat na katabi ko.  Wala na akong ibang nagawa kundi tumayo, nagtanong si titser ... syempre hindi ko alam ang sagot,   ilang segundo pa ang lumipas, tatlong beses ko na ring pinaulit ang tanong kahit alam ko na hindi ko alam ang sagot  (ano daw???),  konting segundo pa... biglang bumukas ang langit, ibinaba ng Diyos ang aking tagapagligtas,  ibinulong ng anghel na sumulpot sa tabi ko ang sagot, ang ending ligtas kay titser, at simula nun ang anghel ang itunuring kong 'knight and shining armor', biglang nagka kulay ang paligid, nagkaitsura ang mga blankong mukha, gwapo pala ang anghel, umusbong ang unang tibok ng dib-dib, nagkasagot sa slumbook ang 'who is your crush?' at 'who is your first love?' wala na ngang iba si Cris.

Kinabukasan balik na sa dating upuan, parang gusto ko ng makipagpalit ng upuan.  Sya at wala ng iba ang naging una at huling crush ko sa buong buhay ko sa elementarya... bakit ba kasi hindi ko sya agad napansin mas marami sana tayong pag-uusapan. 

Si crush ang nakabunot sa akin para sa exchange gift sa christmas party.  Isang bench na sumbrerong kulay green ang natanggap ko galing sa kanya... (wala akong paki-alam kung hindi sya ang bumili nun.. basta galing sa kanya yun.).  Walang ibang nakakahawak ng sumbrerong iyon bukod sa akin, pero nanakaw yun ng minsang gawing props para sa holloween.  Pinangalanan ko rin ang isa kong teddy bear na kulay light blue ng pangalan nya, hindi ko lang basta pinangalan yun sa kaawa-awang bear, isinulat ko pa ang buong pangalan n'ya sa katawan nito gamit ang pentel na kulay bughaw. 

Minsan... sumali din ako sa mga batang marshall ng eskwelahan, simple lang ang dahilan ko sa pagsali 'AYOKO PUMILA'... yun lang!  Ilang oras lang naman ang gugugulin mo sa eskwelahan tuwing sabado, may  extra curricular activity ka na, hindi ka pa pipila bago pumasok.  Pero ang pinakamasaya sa pagiging SOPI (yan ang tawag samin.. na ginagawang 'piso' ng ibang ingit lang sa amin..) ay makakapili ka ng gate na pwedeng pwestuhan at bantayan... syempre pagkakataon... lagi ako sa gate kung saan papasok si crush.

Hindi naman ako pinapansin ni crush, kaya ang sana'y kilig-kiligang issue ay nauwi lang sa kawalan,  pero ang kawalang yan ay nanatili sa puso ko hanggang 2nd year high school.  Bad trip kasi si kupido sablay pumana!

Muntikan na rin akong umakyat ng entablado sa araw ng graduation na nakasemento ang kanang braso...   Nakikipaglaro kasi ako ng black123 (habulan) sa mga tropa ko sa amin, nang biglang mapatid ng kalaro ko ang isang paa ko kaya bumulusok ako sa damuhan, naitukod ko ang kanang kamay ko na sa kasamaang palad ay di kinaya ang bigat ng yayat kong katawan.  Mabuti na lang at mabait at gwapo ang doktor na tumingin sakin, napilit kong huwag ng sementuhan dahil malapit na ang graduation.  Kaya nilagyan nalang ng benda at isinabit sa leeg ko, kasabay ng pangakong hindi ko ito tatanggalin. 

Sa araw ng graduation... syempre tinanggal ko!!!

Sa wakas... natapos ko din ang anim na taon sa elementarya ... hindi ko rin alam kung papaano... walang flying colors... walang medal... walang honor.... may mga munting alaala ng mga taong nagbigay inspirasyon... nagbigay ng lakas ng loob... nagbigay ng munting panahon... nagpasaya... nagbahagi ng kanilang buhay ... mga alaalang ipapabaon para sa susunod na yugto, ng pagsugpo sa kamangmangan..


"Ayayyay!"
"Manong... manong... para na po... lampas na po ako!"
;-0

Thursday, June 3, 2010

Alaala ng kahapon - 2 (Elementarya)

Sa bawat hinto ng bus, nagigising ako ... ayoko na kasing lumampas ...

Sa kabila ng puro palakol kong grado nung kinder, pinayagan naman akong umakyat ng entablado ...

 Sa loob ng simbahan sa gilid ng eskwelahan ginanap ang graduation ceremony.  Base sa mga larawang kupas, masaya naman ako.  May picture habang nakapila sa labas ng simbahan, picture papasok ng simbahan, picture sa loob ng simbahan, picture habang inaabot ang diploma, picture habang nakikipag kamay... puro picture ... lang... wala kasi akong ibang maalala kaya ang kwento nakabase lang sa mga larawang niluma na ng panahon ...

Sa pagkakaalam ko kami na rin ang huling batch ng kinder na nagtapos sa paaralang iyon. Na-trauma ata dahil sa dalawang batang muntik nang kalimutan ng mundo.

Next Stage: Elementary

Hindi rin ganun karami ang naaalala ko sa parteng ito ng buhay ko, pero isusulat at ibabahagi ko na rin bago ko pa tuluyang makalimutan.
Marami sa mga alaala ay para lang kinunan sa isang digital kamera na mababa na ang pixel wala pang zoom.



Sa mababang paaralan ng elementarya ako ipinasok ng magulang ko.  Ang paaralang nakatayo sa kabilang dulo lang ng luma kong pinasukan. Kung galing ka sa rotonda at sasakay ka ng trycikle  papunta sa school, kakanan ka sa unang kanto pag lagpas ng riles ng tren, 'yan ay kung sa kinder school ka pupunta, pero kung sa elementary school, kakaliwa ka lang ... ganun kadaling marating ... kung nasa rotonda ka ... 

Kaso, wala sa rotonda ang bahay namin, at para makarating ng rotonda, galing sa amin,  maglalakad ka papuntang sakayan ng tricykel, syempre sasakay ka, pag baba mo sasakay ka naman ng jeep, at pag baba mo sa jeep maglalakad ka ulit at tatawid ng may kung ilang beses bago ka pa makakarating sa sakayan ng tricykel na nasa rotonda, at yun na... malapit ka na sa eskwelahan ...
Madali lang di ba?... iyan ay kung tao ka na... grade 1 pa lang po ako...

Hindi ko na kasabay mag-aral ng grade 1 ang pinsan ko, kinailangan kasi nyang mag kinder2 dahil sa edad nya. Kaya mag - isa akong papasok sa mas boring na mundo ng elementarya.

Kinailangan ko na ring mag-service para wala ng diskusyon sa kung sino ang maghahatid, at para hindi na rin maulit ang nangyari nung kinder pa ako.  Dito ko nakilala ang una kong naging bestfriend, si Angie. 

Sa bahay nila kami madalas manood ng 'Princess Sarah: ang munting prinsesa' , ng matapos ang kwento ng isang batang prinsesa sinundan naman ito ng kwento ng isang batang prinsipe na pinamagatang 'Cedie: ang munting prinsipe'.  Kung magkikita kaya ang dalawang batang ito magkaka gusto kaya sila sa isat isa? ...

Maaga kasi ako umaalis ng bahay para siguradong hindi ako maiiwan ng service, pagalis ng bahay dederetso na ko kina Angie para duon manood ng tv,  hindi po dahil wala kaming tv,  masyado ko lang paborito ang kwento ni princess Sarah, pero kung sa bahay ako manonood maiiwan ako ng service,  kailangan ko pa rin kasing sumakay ng tricykel bago makarating sa sakayan ng service... (kailangan talaga mag-explain???)...  Bayani ang pangalan ng driver namin, sya ang madalas na tumatawag samin ni Angie pag aalis na ang service.


Ikalawang baitang .... (oops .... hindi po ako accelerated, imposible po iyon base sa mga grado ko nung kinder.  Wala pong unang baitang dahil wala po akong maalala sa panahong iyon period. )

May mangilan-ngilang alaala sa panahong ito na nananatili sa munti kong kautakan tulad ni Joseph... ang lalaking ... hmmm ... basta lalake sya.

Sa raw three ako nakaupo sa unahang upuang gawa sa sa kahoy at pang-dalawahan .  Hindi po base sa grado ang ayos ng upuan namin base po ito sa tangkad... promise!!!... Pangatlo ako sa pinakamatangkad (kabaliktaran po) kaya sa unahan ng raw three ako nakaupo.  Isang lalake at isang babae ang magkatabi sa upuan, hindi naman dahil sa match-maker ang teacher ko.  Ayon sa kanya, at base siguro sa karanasan nya, mas maingay at mas magulo ang klase kapag parehas na kasarian ang magkatabi...hmmm ...oo, nga naman,... tsismisan, umaatikabong kwentuhan at rambulan ng mga grade two pupils... Ayos!!!

Balik tayo kay Joseph, mukha syang hapon kung titignan,  hindi ko sya katabi, sya ang lalaking nakaupo sa likod ko na katabi ng bespren kong si Angie (klasmeyt ko si Angie mula grade 1 hanggang grade 3).  Uwian na,  pero hindi pa kami maka-uwi, wala daw uuwi hanggat hindi kami tumatahimik.  Walang imikan lahat busy kakatitig sa kanya kanyang lamesa.  Yung iba  nakatungo, pero si Joseph busy kakasulat sa notebook nya, at si bespren busy din kakasilip sa pinagkakaabalahan ng katabi nya.  May biglang kalabit sa balikat ko, tingin ako sa likod si bespren nagpipigil ng tawa tinuturo ang ginagawa ng katabi nya, ... walah! ... pangalan ko at pangalan nya may puso sa gitna.  Ay sus! wala talagang magawa ang mokong! dahil bawal mag-ingay apat lang kaming nakaalam ako,si bespren, katabi ko at si hapon.  Sa sobra kong kahihiyan gusto ko syang ilubong sa kinauupuan nya.

Wala naman akong maalalang naganap na tuksuhan, hindi ko naman type si hapon, and dahilan kung bakit hindi ko sya makakalimutan ay dahil sa isang bagay na itinuro nya sa akin...
Ang isulat ang pangalan ng crush mo lagyan ng puso sa gitna tapos isulat ang pangalan mo.  Sa ganitong paraan lalabas na yung crush mo ang may gusto sayo, O diba ... ang sarap sa pakiramdam.

Sa ganitong edad at estado ko rin nalaman na ibat-iba pala ang relihiyon at paniniwala ng tao sa Diyos.

Christmas Party:  Syempre bawat bata may dalang regalo, pinalagay ni titser ang dala naming regalo sa lamesa sa harapan, ang lahat naman ng upuan ay nasa gilid ng classroom... meron na kaming center stage... Nilagyan  ni titser ng numero ang bawat regalo, pinabunot nya kami ng papel na nasa chalk box , ang bawat papel ay may nakasulat ding numero, at sa ayaw at gusto mo ang regalong makukuha mo ay yung kaparehas ng numerong nabunot mo.  Sabay-sabay nagbukas ng regalo ang mga batang paslit, may biglang umiyak, sando ng babae kasi ang nakuha nya (lalake po sya), kaya kinuha ni titser ang sando at pinalitan ng kotsekotsehang kinuha din nya sa isang klasmeyt kong babae.  Wala naman akong angal sa nakuha kong frame na may imahe ni Jesus, pero wala akong kalaban-laban ng kunin sakin ni titser si Jesus at ipagpalit ng isang pirasong panyo set (panyo,suklay at salamin) at ibigay sa  klasmeyt kong sariling regalo ang nakuha.  Sinabi sakin ni titser na Iglesya naman daw ako kaya panyo set na lang ang sa akin,  hindi ko alam kung ano ang ibig nyang sabihin, ang akala ko ang ibig sabihin ng Iglesya ay salbahe kaya hindi bagay sakin ang imahe ni Jesus, naawa naman ako sa klasmeyt ko dahil iiyak na din sya, pero mas natakot ako sa titser ko kung papalag ako.  

Pagdating sa service kanya kanyang pakitaan ng nakuhang regalo, pinakita ko ang panyo set ko, natuwa naman sila pero napansin ni mang Bayani na malungkot ako, sinabi ko sa kanya ang totoo na hindi naman talaga iyon ang regalo ko, ipinagpalit lang ni titser dahil Iglesya (salbahe- ayon sa description ko ng mga oras na yun) daw ako.  Huwag na daw ako malungkot,  maganda naman daw yung panyo set ko, at buti nga daw may nakuha ako.  Sa puntong iyon ko lang napansin na may humahagulgol palang isang paslit sa loob ng jeep, wala kasi syang natanggap kahit ano, mahal pa naman daw yung niregalo nya.

Christmas party ang huling araw ng mga mag-aaral sa eskwelahan, hudyat ito ng isang mahaba-habang bakasyon.  Next year na ulit ang balik!!!


"Manong, sa tabi na lang po"
"Manong, para po"
"MANONG BABABA NA PO AKO!!!"

haaay,   lumampas pa rin ...