Thursday, June 3, 2010

Alaala ng kahapon - 2 (Elementarya)

Sa bawat hinto ng bus, nagigising ako ... ayoko na kasing lumampas ...

Sa kabila ng puro palakol kong grado nung kinder, pinayagan naman akong umakyat ng entablado ...

 Sa loob ng simbahan sa gilid ng eskwelahan ginanap ang graduation ceremony.  Base sa mga larawang kupas, masaya naman ako.  May picture habang nakapila sa labas ng simbahan, picture papasok ng simbahan, picture sa loob ng simbahan, picture habang inaabot ang diploma, picture habang nakikipag kamay... puro picture ... lang... wala kasi akong ibang maalala kaya ang kwento nakabase lang sa mga larawang niluma na ng panahon ...

Sa pagkakaalam ko kami na rin ang huling batch ng kinder na nagtapos sa paaralang iyon. Na-trauma ata dahil sa dalawang batang muntik nang kalimutan ng mundo.

Next Stage: Elementary

Hindi rin ganun karami ang naaalala ko sa parteng ito ng buhay ko, pero isusulat at ibabahagi ko na rin bago ko pa tuluyang makalimutan.
Marami sa mga alaala ay para lang kinunan sa isang digital kamera na mababa na ang pixel wala pang zoom.



Sa mababang paaralan ng elementarya ako ipinasok ng magulang ko.  Ang paaralang nakatayo sa kabilang dulo lang ng luma kong pinasukan. Kung galing ka sa rotonda at sasakay ka ng trycikle  papunta sa school, kakanan ka sa unang kanto pag lagpas ng riles ng tren, 'yan ay kung sa kinder school ka pupunta, pero kung sa elementary school, kakaliwa ka lang ... ganun kadaling marating ... kung nasa rotonda ka ... 

Kaso, wala sa rotonda ang bahay namin, at para makarating ng rotonda, galing sa amin,  maglalakad ka papuntang sakayan ng tricykel, syempre sasakay ka, pag baba mo sasakay ka naman ng jeep, at pag baba mo sa jeep maglalakad ka ulit at tatawid ng may kung ilang beses bago ka pa makakarating sa sakayan ng tricykel na nasa rotonda, at yun na... malapit ka na sa eskwelahan ...
Madali lang di ba?... iyan ay kung tao ka na... grade 1 pa lang po ako...

Hindi ko na kasabay mag-aral ng grade 1 ang pinsan ko, kinailangan kasi nyang mag kinder2 dahil sa edad nya. Kaya mag - isa akong papasok sa mas boring na mundo ng elementarya.

Kinailangan ko na ring mag-service para wala ng diskusyon sa kung sino ang maghahatid, at para hindi na rin maulit ang nangyari nung kinder pa ako.  Dito ko nakilala ang una kong naging bestfriend, si Angie. 

Sa bahay nila kami madalas manood ng 'Princess Sarah: ang munting prinsesa' , ng matapos ang kwento ng isang batang prinsesa sinundan naman ito ng kwento ng isang batang prinsipe na pinamagatang 'Cedie: ang munting prinsipe'.  Kung magkikita kaya ang dalawang batang ito magkaka gusto kaya sila sa isat isa? ...

Maaga kasi ako umaalis ng bahay para siguradong hindi ako maiiwan ng service, pagalis ng bahay dederetso na ko kina Angie para duon manood ng tv,  hindi po dahil wala kaming tv,  masyado ko lang paborito ang kwento ni princess Sarah, pero kung sa bahay ako manonood maiiwan ako ng service,  kailangan ko pa rin kasing sumakay ng tricykel bago makarating sa sakayan ng service... (kailangan talaga mag-explain???)...  Bayani ang pangalan ng driver namin, sya ang madalas na tumatawag samin ni Angie pag aalis na ang service.


Ikalawang baitang .... (oops .... hindi po ako accelerated, imposible po iyon base sa mga grado ko nung kinder.  Wala pong unang baitang dahil wala po akong maalala sa panahong iyon period. )

May mangilan-ngilang alaala sa panahong ito na nananatili sa munti kong kautakan tulad ni Joseph... ang lalaking ... hmmm ... basta lalake sya.

Sa raw three ako nakaupo sa unahang upuang gawa sa sa kahoy at pang-dalawahan .  Hindi po base sa grado ang ayos ng upuan namin base po ito sa tangkad... promise!!!... Pangatlo ako sa pinakamatangkad (kabaliktaran po) kaya sa unahan ng raw three ako nakaupo.  Isang lalake at isang babae ang magkatabi sa upuan, hindi naman dahil sa match-maker ang teacher ko.  Ayon sa kanya, at base siguro sa karanasan nya, mas maingay at mas magulo ang klase kapag parehas na kasarian ang magkatabi...hmmm ...oo, nga naman,... tsismisan, umaatikabong kwentuhan at rambulan ng mga grade two pupils... Ayos!!!

Balik tayo kay Joseph, mukha syang hapon kung titignan,  hindi ko sya katabi, sya ang lalaking nakaupo sa likod ko na katabi ng bespren kong si Angie (klasmeyt ko si Angie mula grade 1 hanggang grade 3).  Uwian na,  pero hindi pa kami maka-uwi, wala daw uuwi hanggat hindi kami tumatahimik.  Walang imikan lahat busy kakatitig sa kanya kanyang lamesa.  Yung iba  nakatungo, pero si Joseph busy kakasulat sa notebook nya, at si bespren busy din kakasilip sa pinagkakaabalahan ng katabi nya.  May biglang kalabit sa balikat ko, tingin ako sa likod si bespren nagpipigil ng tawa tinuturo ang ginagawa ng katabi nya, ... walah! ... pangalan ko at pangalan nya may puso sa gitna.  Ay sus! wala talagang magawa ang mokong! dahil bawal mag-ingay apat lang kaming nakaalam ako,si bespren, katabi ko at si hapon.  Sa sobra kong kahihiyan gusto ko syang ilubong sa kinauupuan nya.

Wala naman akong maalalang naganap na tuksuhan, hindi ko naman type si hapon, and dahilan kung bakit hindi ko sya makakalimutan ay dahil sa isang bagay na itinuro nya sa akin...
Ang isulat ang pangalan ng crush mo lagyan ng puso sa gitna tapos isulat ang pangalan mo.  Sa ganitong paraan lalabas na yung crush mo ang may gusto sayo, O diba ... ang sarap sa pakiramdam.

Sa ganitong edad at estado ko rin nalaman na ibat-iba pala ang relihiyon at paniniwala ng tao sa Diyos.

Christmas Party:  Syempre bawat bata may dalang regalo, pinalagay ni titser ang dala naming regalo sa lamesa sa harapan, ang lahat naman ng upuan ay nasa gilid ng classroom... meron na kaming center stage... Nilagyan  ni titser ng numero ang bawat regalo, pinabunot nya kami ng papel na nasa chalk box , ang bawat papel ay may nakasulat ding numero, at sa ayaw at gusto mo ang regalong makukuha mo ay yung kaparehas ng numerong nabunot mo.  Sabay-sabay nagbukas ng regalo ang mga batang paslit, may biglang umiyak, sando ng babae kasi ang nakuha nya (lalake po sya), kaya kinuha ni titser ang sando at pinalitan ng kotsekotsehang kinuha din nya sa isang klasmeyt kong babae.  Wala naman akong angal sa nakuha kong frame na may imahe ni Jesus, pero wala akong kalaban-laban ng kunin sakin ni titser si Jesus at ipagpalit ng isang pirasong panyo set (panyo,suklay at salamin) at ibigay sa  klasmeyt kong sariling regalo ang nakuha.  Sinabi sakin ni titser na Iglesya naman daw ako kaya panyo set na lang ang sa akin,  hindi ko alam kung ano ang ibig nyang sabihin, ang akala ko ang ibig sabihin ng Iglesya ay salbahe kaya hindi bagay sakin ang imahe ni Jesus, naawa naman ako sa klasmeyt ko dahil iiyak na din sya, pero mas natakot ako sa titser ko kung papalag ako.  

Pagdating sa service kanya kanyang pakitaan ng nakuhang regalo, pinakita ko ang panyo set ko, natuwa naman sila pero napansin ni mang Bayani na malungkot ako, sinabi ko sa kanya ang totoo na hindi naman talaga iyon ang regalo ko, ipinagpalit lang ni titser dahil Iglesya (salbahe- ayon sa description ko ng mga oras na yun) daw ako.  Huwag na daw ako malungkot,  maganda naman daw yung panyo set ko, at buti nga daw may nakuha ako.  Sa puntong iyon ko lang napansin na may humahagulgol palang isang paslit sa loob ng jeep, wala kasi syang natanggap kahit ano, mahal pa naman daw yung niregalo nya.

Christmas party ang huling araw ng mga mag-aaral sa eskwelahan, hudyat ito ng isang mahaba-habang bakasyon.  Next year na ulit ang balik!!!


"Manong, sa tabi na lang po"
"Manong, para po"
"MANONG BABABA NA PO AKO!!!"

haaay,   lumampas pa rin ...

No comments:

Post a Comment